2019 Bar topnotcher mula Albay proud sa pinanggalingan

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 04:41 PM | Updated as of Apr 29 2020 09:44 PM

Watch more in iWantTFC

LEGAZPI CITY, Albay — Sunod-sunod ang pagsagot ng tawag ni Mae Diane Azores sa kaniyang telepono nitong Miyerkoles. 

Kung hindi interviews, mga tawag ito mula sa mga malalapit na kaibigan at kakilala para batiin siya.

Si Azores kasi ang namayagpag sa 2019 Bar exams, kung saan pinangunahan niya ang 2,103 pumasa sa pagsusulit para maging abogado.

Kuwento ni Azores, na nagtapos sa University of Santo Tomas-Legazpi, hindi niya inakalang siya ang tatanghaling topnotcher matapos makakuha ng 91.049 porsiyentong marka.

Inilabas ng Korte Suprema ang resulta nitong Miyerkoles. 

"Hindi ko ine-expect na top 1 kasi parang iniisip ko suntok sa buwan ang maging topnotcher. Kasi common notion kasi ang mga topnotchers galing sa Manila," kuwento niya. 

Taong 2019 nagtapos ng abogasya si Azores, pero pag-amin niya, balak sana niyang mag-aral noon sa Maynila. 

"The initial plan was to take up law in Manila kasi andun nga 'yung sinasabing best law schools... Dun din lumabas ang results," aniya. 

Pero nagbago ang tingin niya nang makapasok sa top 10 ng Bar exam ang isang estudyante mula sa University of Santo Tomas-Legazpi, na dating Aquinas University.

"I'm not exactly sure of the year, pero first time na may nag-topnotcher sa Aquinas. Top 7. So naisip ko, ay hindi naman pala sa school. Kaya naman pala kahit sa probinsiya lang. Nasa estudyante talaga 'yan kung gugustuhin maging topnotcher," sabi niya. 

Hindi naman maipaliwanag ng mga magulang ni Azores ang tuwa at pagpapasalamat sa nakamit ng anak.

Jeepney operator ang ama niyang si Diosdado at cashier sa isang clinic ang inang si Myrna. Ito na raw ang pinakamagandang balita na natanggap nila sa gitna ng krisis na kinakaharap ngayon sa COVID-19.

Wala pang desisyon sa ngayon si Azores sa mga susunod na hakbang niya. Nagtatrabaho siya ngayon sa Commission on Audit sa Legazpi City.

Miyerkoles inilabas ng Korte Suprema ang listahan ng mga pumasa sa 2019 Bar exams, kung saan 2,103 o 27.36 porsiyento sa 7,685 examinees ang nalampasan ang pagsusulit.

Nasungkit ng 5 babaeng examinees ang 5 pinakamatataas na marka sa Bar exams.

Ginanap sa University of Santo Tomas sa Maynila noong mga Linggo ng Nobyembre 2019 ang Bar exams.

Si SC Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ang nagsilbing pinuno ng 2019 Bar Examinations Committee.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.