BARCELONA - Saksi ang prestihiyosong Iberostar Hotel sa Barcelona, Spain sa ginanap na “Una Noche por La Cultura” o “Isang Gabi para sa Kultura.”
Inorganisa ang benefit dinner ng Asociación Cultural Felipe del Val para isulong ang kultura at ibalik ang sigla ng sektor na naapektuhan ng pandemya. Inirampa rin sa okasyon ang modern Filipiniana at evening gowns ng Barcelona-based Pinay designer na si Azenith Tonio.
Pinalakpakan ang pangunahing modelo, ang Spanish-Pinay na si Paula Ortega na kasalukuyang Miss Universe Catalunya.
“As a Filipina, I’m always very much proud to showcase our artistry in every event I have a chance to,” sabi ni Ortega.
Rumampa rin ang Miss International Catalunya, kasama ang first and second runner- up, pati na ang Filipino-Irish model na si Natania Kearns. Dito mas makilala ng ibang lahi ang kultura at galing ng Pinoy designers.
“Naging isang discovery para sa akin ang Flipiniana dress, dahil alam ko na siya sa TV, sa mga beauty pageant, at makita ito ng malapitan, masilayan ang mga kulay ng pula, azul at tumataginting na dilaw, ang desenyo at ang espesyal na tatak ng kulturang Pilipino,” sabi ni Felife Del Val, organizer ng event.
“I think maganda, because na- expose not only sa Filipino community yung trabaho ng mga Pilipino, na-extend din sa ibang lahi, and it’s also good na makita nila na willing din mag-collaborate ang mga Pilipino sa benefit causes,” pahayag ni Victoria Madarieta, Filipina-Spanish Filcom leader.
Dumalo rin ang mga Mr. International 2023 candidates mula Barcelona na si Lerida, Girona at Tarragona at ang mga kilalang personalidad sa mundo ng sining, kultura, fashion, sports at audiovisual media.
“With all of the details, because it was many details around it, it was like the hair, body, the legs, the shoes, it was everything in one, that was my first impression,” saad ni Samuel Duque, Mr. International Barcelona.
Nag-iwan ng marka at magandang imahe para sa kulturang Pilipino ang okasyon.
“Masaya ako dahil naipakilala ko especially ‘yung Filipiniana dress, naipakilala ko sa kanila ‘yung ating damit na pambabae,” Azenith Tonio, Filipina designer.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Spain, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.