MAYNILA -- Ang paggawa ng content sa social media na viral at patuloy na gumagawa ng ingay ang naging magandang bunga nang pag-amin ni Mark “Macoy” Averilla sa kanyang mga magulang na isa siyang bakla.
Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, nagbalik-tanaw si Macoy kasama ang kanyang ina kung paano siya umamin tungkol sa kanyang seksuwalidad.
Kuwento ni Macoy, nagtatrabaho na siya noong malaman ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkatao.
Ayon kay Macoy, ang ina niya mismo ang nagtanong sa kanya kung bakla siya. Matapos nito ay naikipag-usap si Macoy sa kanyang ama na tinanggap rin ang kanyang pagkatao.
Aniya, malaki rin ang naging tulong nito na sa pakikipaglaban niya sa depresyon.
"Sobrang natulungan in a way na alam mo 'yung may tinik na 'ay wala ng tinik. Also nung gumaling ako sa therapy nung umamin na ako sa parents ko nagkaroon ako ng outlet to compose content on social media noong 2017, kaya siya naging Macoy Dubs. Kasi parang sabi ko I can finally do the things that I want, 'yung nagda-dub ako ng beki," ani Macoy.
Si Macoy Dubs ay kilala sa mga memes at Tagalog-dubbed videos. Maliban dito, tumatak din ang kanyang mga content bilang #AuntJulie na halaw mismo ang pangalan sa "Magandang Buhay" host na si Jolina Magdangal na kanyang idolo.
Ayon kay Macoy, bata pa lang siya nang maramdaman ang kanyang pagiging iba.
"As early as five years old ay na-feel ko na na parang may bet ako sa mga gamit ni momshie. May time na nahihilig ako sa mga pop songs na female ang kumakanta, pa-Jolina, chuva choo choo. Yes, super idol ko si Ms. Jolina. Pero ang ultimate manifestation would be 'yung halos lahat ng kabarkada ko ay babae. 'Yun ang pinaka-sign. Never akong naging close sa boys na barkada," ani Macoy.
Kaugnay na video:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.