PatrolPH

Mga aso sinasanay bilang paghahanda sa lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2023 03:12 PM | Updated as of Apr 23 2023 08:00 PM

May programa ang Metropolitan Manila Development Authority na nagsasanay sa mga aso bilang paghahanda sa pagtama ng mga malalakas na lindol, Abril 23, 2023. Jeck Batallones, ABS-CBN News
May programa ang Metropolitan Manila Development Authority na nagsasanay sa mga aso bilang paghahanda sa pagtama ng mga malalakas na lindol, Abril 23, 2023. Jeck Batallones, ABS-CBN News

Dalawang taon nang magkasama si Eddel Eclevia at ang kaniyang fur baby na si Genos, isang German Shepherd.

Ipinasok ni Eclevia si Genos sa K9 Corps program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaya naging bahagi ito ng ilang search and retrieval operations.

Sa katunayan, sa tulong ni Genos ay natunton ang 4 na labi sa landslide noon sa Abra.

"Para magkaroon ng activity magkakaroon ng use ang aso ko kaysa andoon lang sa bahay, nakaupo lang," paliwanag ni Eclevia kung bakit isinali ang aso sa programa.

Watch more News on iWantTFC

Ang K9 Corps program ng MMDA ay bukas sa lahat ng private dog owners at lahat ng breed ay maaaring isali. 

Sa ilalim ng programa, na binuo ng ahensiya bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng malakas na lindol na "The Big One," sumasalang sa iba-ibang klaseng training ang volunteer dogs, gaya ng paghahanap ng paraan para makapunta sa owner o mahanap ang nagtatagong owner.

Mainam kasi umanong may nakahandang search and rescue dogs ang bawat local government unit sakaling may sakuna.

"Sila 'yong tatayong search and rescue component sa mga collapsed structure... kasi pinaghahandaan natin 'yong the Big One," ani Luther Castueras ng MMDA search and rescue battalion.

Pero nilinaw ng MMDA na bagaman bukas sa lahat ng breeds ang programa, may ilang bahagi ng pagsasanay na posibleng mahirapan ang maliliit na breed o toy dogs.

Sa mga interesadong sumali, maaaring tingnan ang Facebook page ng MMDA K9 Training Corps.

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.