PatrolPH

17-anyos sa Sultan Kudarat nagtayo ng community pantry gamit ang ipon

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2021 06:40 PM

17-anyos sa Sultan Kudarat nagtayo ng community pantry gamit ang ipon 1
Libre para sa lahat ang mga loaf bread, maging ang peanut butter na ipinamimigay ni Sherweina Abduraji sa lahat ng mga dumaraan sa kanilang barangay. Retrato mula kay Balanie Abduraji

COTABATO CITY — Isang 17-anyos sa bayan na ito ang nagtayo ng sarili niyang community pantry gamit ang kaniyang ipon. 

Libre para sa lahat ang mga loaf bread, maging ang peanut butter na ipinamimigay ni Sherweina Abduraji sa lahat ng mga dumaraan sa kalsada at gustong kumain sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat.

Ang mga pinambili ng tinapay, ipon umano ng menor de edad at mga nalikom nito nang ibenta ang ilang mga damit.

Suportado siya ng kanyang mga magulang, na matagal na ring namimigay ng mga pagkain mula nang magkapandemya.

Bilang Muslim, para sa pamilya ni Abduraji, dapat na ipamalas ngayong buwan ng Ramadan ang pagbibigayan at pagmamalasakit sa iba.

Masaya ang mga magulang ni Abduraji dahil sa kabaitan ng anak.

"Nagpapasalamat ako sa Allah [na] sa murang edad niya napakalawak ng pag-iisip niya, mapagbigay po talaga sya kahit sa di ganitong paraan basta kung ano meron siya, binibigay niya sa mga pinsan niya at kaibigan," ayon sa kaniyang inang si Bailani Abduraji.

Kinagawian na rin ng pamilya Abduraji na mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan lalo na kung sobra-sobra umano ang biyayang natatanggap nila.

Nagsimulang umusbong sa Maginhawa street sa Quezon City ang community pantry kung saan libreng kumuha ayon sa kanilang pangangailangan ang mga hikahos na Pinoy. 

Kumalat na rin ang nasabing konsepto sa iba't ibang rehiyon. 

— ulat ni Chrislen Bulosan 

RELATED VIDEO 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.