PatrolPH

Mobile birthday party, ginawa para sa mga bata sa Camalaniugan, Cagayan

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 11:39 AM | Updated as of Apr 23 2020 07:12 PM

Mobile birthday party, ginawa para sa mga bata sa Camalaniugan, Cagayan 1
Larawan mula sa SK Sapping

Dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon, muntik nang maudlot ang birthday party ng isang 4 anyos na bata sa Camalaniugan, Cagayan.

Pero sa tulong ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Sapping, hindi lang isa kung 'di 300 bata ang napasaya sa isang mobile birthday party.

Dahil lockdown at bawal pa ang social gatherings, naisip nila Laurence Casauay na i-donate na lang ang halagang nakalaan sana para sa handa ng kanilang anak.

Watch more News on iWantTFC

Naisipan ng SK council na gamitin pa rin ito para magluto ng handang spaghetti na ipamimigay sa mga bata sa barangay.

Gumawa rin sila ng mobile photo booth na may dekorasyong mga lobo, stuffed toys at mga larawan ng birthday celebrant.

Dala nila ito sa pamimigay ng pagkain at nagkaroon pa ng picture-taking ang mga bata.

Ayon kay SK chairman Jhemarie Tamanu, kahit lockdown, gusto nilang iparamdam ang saya sa mga bata.

Hindi man makalabas ng bahay, nais nilang hindi mawawala ang mga masasayang karanasan at selebrasyon na parte ng kanilang kabataan.

Pero kahit walang okasyon, tuloy-tuloy ang free meals with love project ng SK Sapping para sa kanilang mga ka-barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.