Kasambahay pinag-aral ng amo, nagtapos na cum laude

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 06:47 PM

Sa hirap ng buhay, nagdalawang-isip noon ang 28 anyos na kasambahay na si Alfonsa Tilasa kung itutuloy pa niya ang kaniyang pangarap na makatapos sa kolehiyo. 

Pero sa tulong ng kaniyang amo, nagawa niya itong tuparin nang magtapos sa kursong B.S. Computer Science sa isang kolehiyo sa Oton, Iloilo. 

Nagtapos pa bilang cum laude si Tilasa, na kumuha ng night courses para mabalanse ang kaniyang pagtatrabaho. 

Ayon kay Tilasa, 14 anyos siya nang unang mamasukan bilang kasambahay dahil nais niyang maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya. 

Nagpalipat-lipat si Tilasa ng trabaho hanggang nakapagtrabaho siya sa kaniyang amo na si Marivic Flores, na nanghikayat sa kaniya na makapag-aral. 

Ayon kay Flores, naisip niyang pag-aralin ang kaniyang kasambahay dahil sa suwerte sa negosyo at sa kagustuhan niyang tumulong sa iba. 

Nakakuha pa si Tilasa ng scholarship kaya kakaunti lang ang binabayaran ni Flores para sa pag-aaral ng kasambahay. 

Nagpapasasalamat si Tilasa sa pamilya ni Flores, dahil sa binigyan siya ng pagkakataon na makapag-aral.

Sa ngayon, hinikayat naman siya ng kanyang amo na maghanap na ng propesyunal na trabaho. -- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.