ALAMIN: Sintomas ng hypotension o low blood pressure

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 11:30 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapag blood pressure ang napag-uusapan kalimitang pumapasok sa isip ng tao ang hypertension o high blood pressure - na itinuturing "silent killer" ng ilang eksperto. 

Pero maaari ring bumaba ang blood pressure - na kung tawagin ay hypotension - o ang pagbaba ng pagdaloy ng dugo sa katawan. 

Ayon sa clinical cardiologist na si Dr. Glenn Jacoba, ilan sa sintomas ng hypotension ang panghihina, pagkahilo, pagkahimatay, at panlalabo ng paningin. 

"'Pag may low blood pressure, 'yung blood flow to the brain is low," paliwanag ni Jacoba sa programang "Good Vibes" ng DZMM noong Lunes. 

Maaari rin daw aniyang mag-ugat sa mainit na panahon ang hypotension. Bukod pa rito, indikasyon din daw aniya ang hypotension ng mas malalang mga karamdaman. 

Kaya naman kung nakararamdam na ng sintomas, dapat daw tingnan ang blood pressure gamit ang sphygmamometer - o instrumentong sumusukat sa blood pressure ng isang tao. 

Malalaman na mababa ang blood pressure ng isang tao kung magtatala ito ng blood pressure na mas mababa sa antas na 90/60. 

Kung wala aniyang sphygmamometer ay maaari raw i-check ang pulso ng isang tao gamit ang kaniyang daliri. 

"Kalimitan kasi 'pag low blood pressure mahina ang pulse," ani Jacoba. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.