ALAMIN: Iba't ibang sanhi ng pagkasira ng pagkain

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 02:55 PM

MAYNILA — Madalas isinisisi sa paraan ng paghahanda at pagtatago ng pagkain ang mabilis nitong pagkasira, na karaniwang nagiging sanhi ng food poisoning kapag nakain.

Pero ayon sa infectious disease specialist na si Dr. Rey Salinel Jr., hindi lamang sa nasabing proseso maaaring magsimula ang pagkasira ng pagkain o ng mga sangkap nito.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Maraming factors tayong dapat pag-usapan doon. From the farm, sea, to the market, to the kitchen, to the table, to the preparation, sa paghain, pag-storage," paliwanag ni Salinel sa programang "Salamat Dok."

"Baka mayroong mali ang proseso," ani Salinel.

Ayon kay Salinel, posibleng hindi sariwa ang napipiling karne, isda o iba pang sangkap na nabibili sa palengke, o nakuha sa dagat o bukid.

Ang isdang sariwa ay malinaw ang mata habang mamula-mula ang kulay ng karneng sariwa at wala itong masangsang na amoy, ani Salinel.

Maaari rin daw masira ang pagkain kapag hindi naalis nang maayos ang insecticide o pesticide na ginamit dito.

Pagdating sa paghahanda o pagluluto, nagpaalala si Salinel ukol sa paghuhugas ng kamay bago simulan ang proseso.

Ipinayo rin ni Salinel ang paggamit ng magkaibang chopping board para sa isda at karne para maiwasan ang cross-contamination o paglipat ng mga bakterya.

Huwag din daw pabayaang nakatiwangwang ang pagkain sa loob ng 2 oras makaraang iluto dahil maaari raw itong bahayan ng mga mikrobyo o bakterya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.