'Pantawid ng Pag-ibig': Mga walang tirahan nagre-repack ng relief goods

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na taon nang nakatira sa lansangan ng Maynila ang 21 anyos na si alyas "Ara," kasama ang kaniyang asawa na si "Reynan."

Dati silang nangungupahan pero napilitang manirahan sa kalsada nang pareho silang mawalan ng trabaho.

Sinisikap ni "Ara," na 7 buwang buntis at ng mister na makaipon muli sa pamamagitan ng pagba-barker pero ang naipong P2,000 pang-renta sana ng maliit na kuwarto ay unti-unting naubos nang mag-umpisa ang enhanced community quarantine.

"Napakahirap po para sa street dwellers ang mamuhay sa kalsada pero wala naman po kaming pagpipilian eh," ani "Ara."

Labis naman ang pangungulila ng 48 anyos na si Sam Gonzales sa pamilya na nagtakwil sa kaniya 3 taon na ang nakalilipas dahil sa kaniyang pagkalulong sa bisyo.

"Pagod na ako sa kalye matulog mag-isa na walang karamay," ani Gonzales.

Sinisikap ni Gonzales na baguhin ang buhay sa pamamagitan ng pag-volunteer sa Kalinga Center, isang organisasyong nangangalaga sa mga katulad niyang street dweller.

"Tayo ang nag-imbento ng physical distancing against them (street dwellers)," ani Fr. Flavie Villanueva, head ng Kalinga Center.

Isa ang Kalinga Center sa 7 shelters sa Metro Manila na kumukupkop ng mga kagaya nina "Ara" at Gonzales.

Maliban sa bubong na masisilungan, pagkain at damit, nabibigyan din ang street dwellers ng values activity na naglalayong itaas ang antas ng pagtingin nila sa kanilang sarili.

Malaking tulong ang boluntaryong pagre-repack ng mga taga-Kalinga Center sa relief goods mula sa Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN, na ipinamimigay sa iba't ibang lugar ngayong may quarantine.

"Kahit na nandidito kami, kahit ito lang kami, marami kaming mabibigyan ng tulong na maiaabot din sa mga katulad naming nangangailangan," sabi ni "Ara."

Ayon naman kay Villanueva: "Naniniwala ako in their own unique way puwede rin silang maging misyonaryo."

"They are just most willing to pack those goods and they do it both with a prayer and with love," dagdag ng pari.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Champion Detergent
  • Coca-Cola
  • Colgate Palmolive
  • Great Taste 3-in-1
  • Hana Shampoo
  • Kopiko
  • Ligo Sardines
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Rebisco
  • Safeguard
  • CDO Foodsphere
  • International Pharmaceuticals Incorporated
  • Lucky Me

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.