Payo ng dentista: Bawasan ang matatamis para iwas-sira sa ngipin

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2019 12:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinayo ng pangulo ng Philippine Dental Association (PDA) sa publiko na bawasan ang mga maaasukal at matatamis na pagkain at inumin para maiwasang masira ang ngipin. 

"Bukod sa pagbisita sa dentista at pagsisipilyo at least twice a day, kinakailangan pong tayo ay magbawas sa kinakaing matamis," sabi ni PDA President Arleen Reyes sa programang "Salamat Dok."

Ilan sa mga nabanggit na pagkain ni Reyes ay kanin at pasta.

Ayon kay Reyes, marami ang hindi nakakaalam sa pinsalang naidudulot ng asukal at matatamis sa ngipin.

"Ang sugar kasi kapag ito'y humalo sa bacteria na present na sa loob ng bibig natin, it becomes acid and ito na po ang magsisimulang sumira," paliwanag niya.

Kung walang kakayahang pinansiyal para magpakonsulta sa dentista, puwede naman daw magpakonsulta sa mga lokal na health center, ani Reyes.

Ipinayo ni Reyes ang pagbisita sa dentista ng 2 beses sa isang taon o kada 6 buwan.

"Kinakailangan talagang bumisita tayo nang regular sa ating mga dentista para makita kung may nagsisimula nang sira, gawin na, pastahan na natin," aniya.

Bukod sa pagsesepilyo, ipinayo rin ni Reyes ang paggamit ng dental floss para maalis ang mga katiting na pagkaing naiwan sa pagitan ng ngipin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.