ALAMIN: Paano sanayin ang bata sa pagbabasa?

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 02:25 PM

Ngayong parang nakaasa na ang lahat sa teknolohiya, tila naisasantabi na ang pagbabasa, partikular na sa mga kabataan.

Ayon kay Barbara Server-Veloso, isang guro at family-life-and-children-development expert, mahalagang sanayin ang isang bata sa pagbabasa. 

"It's a lifelong skill, gagamitin nila 'yan buong buhay. So 'pag bumibili sa tindahan, nagtatrabaho sa work, nagta-travel sila, saan ka titingin, paano ka makakapunta doon?" paliwanag ni Server-Veloso sa "Sakto" ng DZMM.

Para sanayin ang isang bata na magbasa, ipinayo ni Server-Veloso na ang mga magulang ang dapat magturo sa anak nito. 

Dagdag niya, maaga pa lang ay dapat na nilang sanayin ang bata sa pagbabasa. 

"Actually as early as you can, 'yung interest ang inuumpisahan. Tutulungan niyo sila ma-develop 'yung interest (sa pagbabasa). Baby pa lang tinutulungan natin silang magbasa," sabi ni Server-Veloso. 

Mainam aniyang ikuwento ng magulang ang nilalaman ng binabasa para ma-engganyo ang mga bata. 

"Nae-excite sila na parang 'Ano ba 'to?' Nae-encourage sila to get books to get through it," ani Server-Veloso. 

Maaari rin daw magtakda ng oras ang buong pamilya para magbasa nang sabay-sabay ng kani-kaniyang libro. 

"(Halimbawa) nagbabasa kayo. Si Daddy naka-newspaper, si Mommy naka-magazine and after that you talk," aniya. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.