Community pantry sa may Roxas Avenue, Davao City. Retrato mula kay Juice Cubi
Nadagdagan pa ang mga lugar na may mga community pantry, kung saan maaaring kumuha ng pagkain at iba pang produkto ang mga nangangailangan sa gitna ng pandemya.
Sa Davao City, binuksan ang isang community pantry sa harap ng isang beverage shop sa Roxas Avenue. Nag-aalok ito ng mga prutas, gulay, canned goods at iba pang produkto.
Bukas ang nasabing pantry mula alas-10 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
Nagpaalala naman ang mga nangangasiwa ng pantry sa mga tao na kumuha lamang ng sapat na pagkain at bigyan ng pagkakataon ang ibang nangangailangan na makakuha.
Hinimok din ang mga taga-Davao na magbigay ng mga pagkain at produkto.
Sa Iligan City, naglunsad ng community pantry sa Barangay Canaway ang magkapatid na Lucia at Luzanie Silva, na anila'y inspired ng community pantry sa Maginhawa, Quezon City.
Tiniyak ng magkapatid na halal at walang halong karneng baboy ang mga pagkain para maaari rin itong mapakinabangan ng mga Muslim.
"We're both from UP (University of the Philippines) Diliman and na-inspire kami sa Maginhawa Community Pantry initiative... Naisip namin, why not start this initiative in Iligan City?" kuwento ni Lucia.
Community pantry sa Iligan City. Retrato mula kay Lucia Silva
Nakapagpamahagi na ang pantry ng mga gulay, 100 packs ng instant noodles, 50 sardinas, 60 pirasong itlog, 50 packs ng kape, 25 packs ng instant choco, 25 na pack ng gatas at 3 box at face masks.
Karamihan daw ng mga residente sa komunidad ay construction worker, jeepney driver, vendor at iba pang manggagawang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.
Nangangalap ulit ng donasyon ang magkapatid para muling makapamahagi.
Hinikayat rin nila ang ibang barangay sa lungsod na magtayo rin ng pantry.
Unang naiulat ang community pantry sa may Maginhawa Street sa Quezon City, kung saan nag-iiwan ang mga tao ng pagkaing maaaring kuhanin nang libre ng mga nangangailangan.
— Ulat nina Roxanne Arevalo at Hernel Tocmo
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, community pantry, rehiyon, regions, regional news, bayanihan, Iligan City, Davao City, Covid-19, Covid-19 pandemic, TV Patrol, Gracie Rutao, TV Patrol Top