Fake news, hate speech iwasan: Tagle ngayong Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 04:29 PM

Sa harap ng mga pagsubok mula sa materyalismo at pagkabalisang dala ng mataas na hinihingi ng lipunan, hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle nitong Huwebes Santo ang mga Pilipino na iwasan ang hate speech at fake news. 

Sa sermon sa Chrism Mass na idinaos sa Manila Cathedral, nanawagan si Tagle sa mga Katoliko na magdala ng mabuting balita sa mahihirap at nagdudurusa bilang tugon sa mga hamon, lalo na sa mga kabataan.

"Ang dami-dami nang tagapagdala ng bad news, fake news, hate speech," aniya. 

"We today, all the consecrated, all the baptized bearing the Holy Spirit, we’ll say 'I will not deliver fake news, hate speech. I am consecrated by the Holy Spirit. I will bring good news to the poor and the suffering,'" aniya.

Tingin din ng arsobispo, nakakaapekto ang masasamang salita at balita sa mga Pinoy na kabataan, kung saan may iilan na umanong puna na lang ang naririnig sa halip na magagandang balita. 

"May mga bata nag-iisip magpakamatay na lang kasi ang pakiramdam nila, 'walang nagmamahal sa akin.' Minsan ang mga magulang din po masyadong matatayog ang hinihingi," anang kardinal. 

Bukod pa aniya ito sa hirap ng buhay. 

"Hindi makatapos ng pag-aaral, kulang sa pera. 'Yung nakatapos, wala namang mahanap na trabaho. Yung iba, binu-bully," aniya. 

"So many young people never hear good news. They only hear criticisms. They only hear their incapacity to meet the expectations. Expectations which are not realistic.” 

(Maraming kabataan na wala nang naririnig na magandang balita. Puro puna lang ang naririnig nila. Naririnig nila ang puna ukol sa hindi nila pagkamit ng mga inaasahan na hindi naman kayang magampanan.) 

Kaya naman nanawagan din si Tagle na ituring ng "beloved" ang kapuwa, partikular na ang kabataan. 

"God loves us very much. I discovered that that’s the meaning of the word 'beloved.' Beloved means i love you very much. If not very much, you just say, love you, love you. But very much you say, beloved," ani Tagle.

Ang Chrism Mass ay ginaganap tuwing Huwebes Santo, kung kailan pinagtitibay ng mga Katoliko at mga pari ang kanilang pangako sa Simbahan, kasabay ng pagpapala sa mga langis na ginagamit ng Simbahan. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.