Ano ang sanhi ng body odor?

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 01:46 PM

Tagaktak na naman ang pawis ng maraming Pinoy ngayong tag-araw at ang iba ay hindi maiwasang maging "conscious" kung mayroon ba itong kaakibat na hindi kanais-nais na amoy.

Pero ayon sa isang dermatologist, hindi mismong pawis ang sanhi ng mabahong amoy sa katawan kapag nagpapawis kundi ang paghalo nito sa bakterya sa balat.

"Technically, the sweat itself doesn't cause the odor pero once na mag-react, umabot 'yong [sweat sa] skin, mag-react with the bacteria... doon na magsa-start mag-produce ng body odor," sabi ni Dr. Martha Joy Bruan-Tapales sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

May mga bakteryang likas sa balat ng tao at pumoprotekta sa mga tao mula sa impeksiyong dala ng ibang bakterya, ayon kay Tapales.

"Itong mga bacteria na sa balat natin, once na mag-produce ka ng sweat, nagre-react siya or sinisira niya o iniiba niya 'yong chemical composition ng sweat natin," ani Tapales.

"Once na mabago 'yong chemical composition ng sweat natin, puwedeng ito 'yong mag-cause ng body odor," paliwanag niya.

Nakadadagdag din umano sa sanhi ng body odor ang mga kinakain ng isang tao. Kadalasan daw rito ay spices o maaanghang na pagkain.

"Onion or 'yong kapag mahilig ka talaga sa mga savory or spicy food," ani Tapales.

Ayon pa kay Tapales, hindi porke labis ang pagpapawis ng isang tao ay may kaakibat na itong hindi kaaya-ayang amoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.