Dating online seller, asensado sa negosyong swimsuit na 'for all shapes, sizes'

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 10:38 PM

Nais ni Pearl Manatili na sa pamamagitan ng kaniyang negosyong "Pearlypop Swimwear" ay matutuhan ng ibang tao na hindi balakid ang hubog o laki ng katawan sa pagsuot ng swimsuit.

Gabay ni Manatili sa pagdisenyo at pagbuo ng mga swimsuit ang paniniwalang ang naturang kasuotang ay "for all shapes and sizes."

Watch more in iWant or iWantTFC

"Noon kasi mayroon tayong [idea] na 'pag nakakita tayo ng naka-swimsuit, kailangan sexy 'yong katawan," sabi ni Manatili sa "My Puhunan."

Nag-umpisang malinya si Manatili sa pagbebenta ng mga swimsuit nang magbenta siya online ng kaniyang mga sariling damit na hindi na niya nagagamit, kabilang ang kaniyang mga swimsuit.

"Nag-demand 'yong mga costumer na bakit di ako magbenta ng mas marami pang bikini," kuwento niya.

Noong una'y kumukuha lang si Manatili ng mga swimsuit mula sa iba't ibang supplier, pero makalipas ang limang taon ng "buy and sell" ay nakaipon siya para makapagsimula ng sariling pagawaan.

Pinag-aralan din ni Manatili ang pagdisenyo ng mga swimsuit na akma sa ano mang hubog o laki ng katawan.

"Inisip ko din may mga pangangailangan 'yong mga babae na minsan may gusto tayong i-highlight na parte ng katawan natin o minsan may gusto tayong itago," paliwanag niya.

"Na-realize ko kailangan flexible 'yong brand mo, na kayang mag-cater di lang para sa kabataan, kundi para sa mga nanay din, bigger-sized women din," aniya.

Isang halimbawa sa mga likha niya'y isang swimsuit na mistulang blouse ang hitsura at may manggas, na layunin umanong itago ang braso.

Para kay Manatili, kapag komportable ang isang babae sa kaniyang suot ay nakadagdag ito sa pagdadala niya sa sarili.

"'Pag gusto mo 'yong design na suot mo, mas confident ka," aniya.

Pinagtutuunan din ni Manatili ng pansin ang tela, na aniya'y inaangkat pa niya sa ibang bansa.

Nakagagawa si Manatili ng 3,000 swimsuit kada buwan tuwing peak season o tag-init, habang sa mga ordinaryong buwan naman ay 1,000 swimsuit kada buwan.

Bukod sa website, maaari ring bilhin ang mga swimsuit ni Manatili sa mga puwesto niya sa ilang mall.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.