PH flag-inspired hazmat suit, ibinida ng Kagay-anon designer

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 12:13 PM

Tiniyak ni Queen Guela Ampong na ang kanilang Philippine-flag inspired hazmat suit ay naaayon sa standard ng Department of Health.

CAGAYAN DE ORO CITY -- Ibinida ng Kagay-anon designer at tinaguriang 'Queen of Mindanaon Fashion' na si Queen Guela Ampong ang Philippine flag-inspired na hazmat suit bilang personal protective equipment ng mga frontliner.

Kuwento ni Ampong, naisip niya ang konsepto at regalo aniya ito sa matalik na kaibigang doktor.

Pero bukod sa regalo, tribute na rin ito ng designer sa lahat ng mga frontliner na itinuturing niyang bayani.

"It's really a gift for a friend who is a doctor and frontliner. It is a reward, gift for her na kumbaga nakikita ko 'yung paglaban nila... nakikita ko sa kanila ang pagiging hero kumbaga," sabi niya.

Inspirado ng Philippine flag ang kulay ng PPE. Ayon kay Ampong, inilagay niya sa taas ang pulang kulay dahil nasa gitna ng laban ang frontliners sa pagpuksa sa COVID-19.

Sa tulong ng kaibigang doktor na si Dr. Jamilah Watamama, sinimulan nila ang kampanyang 'Donate One PPE, Save One Frontliner.'

Sa ngayon nakagawa na sila ng 700 na makukulay na hazmat suits na ipinamimigay nila sa mga ospital sa Cagayan de Oro.

"Pero 'yung priority natin all this time since kulang tayo ng materials is 'yung hotspot hospitals talaga and soon we'll reach Lanao del Sur, which is Amai Pakpak (Medical Center), since may case sila doon," dagdag niya.

Bukod sa fashionable ito, siniguro ni Ampong at mga kasamahan na ayon sa standard ng Department of Health (DOH) ang kanilang hazmat suits.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.