PatrolPH

Frontliner na ama, sinorpresa ng nangungulilang anak sa mismong kaarawan

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 02:06 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagbubunga ng takot at pangungulila ang kasalukuyang pandemyang dulot ng coronavirus sa mga pamilyang may mahal sa buhay na gumagampan ng gawain bilang frontliner.

Kagaya na lang ng isang bata sa Bacolod City na sabik nang mayakap ang pulis na ama na naka-duty sa gitna ng COVID-19 pandemic at hindi muna umuuwi sa kanilang bahay bilang pag-iingat. 

“One time naghatid ng pagkain Daddy niya pero hindi siya makalapit, hanggang pinto lang siya so sabi niya nalulungkot siya hindi niya malapitan,” sabi ni Joly Marie Garces Masa.

Ang tinutukoy niya rito ay ang 6-taong gulang na anak na babaeng si Ali at ama nitong pulis na si Jhamal Ali Inapon.

Frontliner ang ama ni Ali na nakadestinong magbantay sa Provincial Health Office sa Bacolod.

Sa takot na mahawahan ng virus ang panganay at 3 buwang mga anak, nagpasya ang ama na huwag na munang lumapit sa kaniyang mag-iina.

“Doon lang siya sa bahay ng parents niya, minsan sa headquarters siya umuuwi kasi mayroon rin po akong 3-month old na baby so takot siya,” sabi ni Garces.

Ikinalungkot naman ito ng kanilang panganay na anak kaya’t naghanap si Garces ng paraan para kahit papaano ay makalapit at magkausap saglit ang mag-ama.

Nahanap niya ang pagkakataong ito sa mismong kaarawan ng asawa. 

“Idea ko po 'yung i-surprise Daddy niya sa kaniyang birthday pero nakuha ko po 'yung idea na i-wrap siya sa plastic sa isang video na nakita ko sa Facebook,” sabi niya.

Agad na bumili ng itim na garbage bag si Garces at ginawa niya itong DIY na personal protective equipment ng anak.

Nag-viral sa Facebook ang larawang kuha ni Garces sa emosyonal na pagkikitang iyon ng kaniyang mag-ama. 

“Naluluha kaming tingnan sila that time kasi gustong-gusto talaga ng anak ko na malapitan Daddy niya. Pinapaliwanag namin sa kaniya na hindi siya puwedeng makalapit sa Daddy niya kasi nga may virus,” sabi niya.

Sa larawan, makikita ang bata na balot na balot ng “PPE” na gawa ng kaniyang ina habang bitbit ang birthday cake para sa ama sa labas ng kanilang bahay. 

“Natatakot kami kasi exposed siya sa labas and anytime there is really a possibility na mahawa siya sa virus kaya sinasabihan namin siya na mag-ingat, mag-mask at magdala ng alcohol kasi naghihintay kami sa pagbalik niya,” saad ni Garces, patungkol sa asawa. 

Payo naman niya sa mga frontliner na naghihintay ang mga pamilya sa kanilang pag-uwi na manalig at laging mag-ingat.

“Mag-pray sila palagi, mag-ingat talaga at take enough rest if possible kasi 'yun ang puwede nilang gawin para sa mga sarili nila para hindi humina ang kanilang immune system at may panlaban sila sa virus,” sabi niya.

Ganito rin ang mensahe niya para sa kabiyak.

“Hi, Dad! Mag-ingat ka. I love you. God bless and pray lagi.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.