PatrolPH

Paano kumain nang masustansiya, balanse kahit may enhanced community quarantine?

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 02:49 PM

Malaking bagay ang pagkain nang masustansiya para palakasin ang immune system ng mamamayang pilipino para labanan at masugpo ang coronavirus disease 2019, ayon sa mga eksperto. 

Kaya naman may iilang eksperto na nagbahagi ng ilang payo kung paano ito gawin. 

Payo ng Food and Nutrition Research Institute, isang attached agency ng Department of Science and Technology, kabilang sa mga dapat kainin ay ang mayayaman sa carbohydrates gaya ng kanin, tinapay, at mga root crops gaya ng kamote at patatas para mapagkuhanan ng enerhiya ng katawan. 

Mainam din anila ang itlog dahil mayaman ito sa protina, bitamina, at mga mineral. Mayaman din anila ito sa Vitamin A na tumutulong para mas mapalinaw ang mga mata. May Vitamin B din anila nito na lumalaban sa panghihina ng katawan. 

Sagana naman sa beta-carotene, iron, at calcium ang mga madahong berde at dilaw na gulay, gaya ng malunggay, dahon ng ampalaya, carrot, kalabasa, sili, alugbati, at talbos ng sayote. 

Mahalaga din anila ang mga prutas tulad ng bayabas, dalandan, orange, mangga, at papaya sa diet dahil mayaman ang mga ito sa Vitamin C na tumutulong sa pagpapatibay ng resistensiya. 

Malaki ang maitutulong ng pamimigay ng fresh produce gaya ng gulay, prutas at manok sa pagpapalakas resistensiya laban sa coronavirus disease 2019, giit ng isang nutritionist. 

Ayon kay Giselle Ong-Goltiao, isang registered nutritionist-dietitian, malaking bagay ang pamamahagi ng mga lokal na pamahalaan ng mga fresh produce gaya ng karne, manok, gulay, o prutas. 

"As we know 'yung chicken mga burger patty, good sources of protein po sila so usually 'yung protina sila yung gumagawa ng antibodies para palakasain 'yung immune system natin. Bukod sa manok puwede rin natin ito makuha sa mga itlog, gatas, dilis, isda," ani Goltiao. 

Matatandaang may iilan nang lokal na pamahalaan na namahagi ng sariwang gulay, bukod pa sa mga delata gaya ng sardinas o kaya noodles. 

Rumoronda na rin ang ilang mobile market ngayong ipinagbabawal ang paglabas ng bahay dahil sa coronavirus disease 2019. 

May iilan ding na nagmagandang-loob na mamigay ng mga karne gaya ng netizen na si Dai Delos Reyes, na namigay ng mga buong manok sa mga kapitbahay niyang nangangailangan. 

Para sa FNRI, nagtataglay rin ng mga protina ang ilang delatang pagkain gaya ng sardinas at corned beef. 

May mga paraan din anila para mapasustansiya ito. 

"Kung ito ay sasamahan natin ng gulay kunyari simpleng ginisang gulay sa sardinas at ito ay hahaluan natin ng sangkap na makakapag-enhance sa relief goods magiging kumpleto na 'yung ating pagkain," ayon kay FNRI director Mario Capanzana. 

Sang-ayon dito si Goltiao. 

"Siyempre ang relief goods ay mostly delata like sardinas so puwede naman natin siyang haluan ng kaunting gulay tulad ng sayote o reployo para mas maging balanse siya at maging complete yung nutrition niya," aniya. 

Giit ng FNRI, mahalagang kumain nang balanse at masustansiya para mapanatilihing malakas ang pangangatawan. 

“Kung ang isang tao hindi malakas yung kanyang tinatawag na immune system, maaari siya ay madaling dapuan ng ganitong klaseng sakit," paliwanag ni Capanzana. 

Para sa ibang mga recipe, maaaring sumangguni sa menu guide ng FNRI para sa mga emergency. 

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.