PatrolPH

Mga nasunugan, hirap maghanapbuhay sa Pasay hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 08:24 PM

Watch more on iWantTFC

Naibsan ang pangamba ng mga taga-Barangay 130 sa Pasay City dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Bukod daw kasi sa mas mahigpit na lockdown nitong nagdaang mga linggo, naging malaking ambag din ang pagtulong ng mga residente sa contact tracing ng mga nagpositibo sa sakit.

Sa kabila nito, nananatiling problema ang kawalan ng trabaho ng mga residente. 

Tumatanggap ng mga labahin ang residenteng si Ruby Mae Nazareno mula nang matigil sa pamamasada ng jeep ang kaniyang mister dahil sa community quarantine.

"Minsan 'yong mga anak ko, isang beses na lang kumakain sa isang araw," sabi ni Nazareno, na ngayo'y buntis sa kaniyang ikalimang anak.

Nagtatrabaho naman muna bilang kasambahay ang single mom na si Rosali Camilag dahil natapos ang kaniyang kontrata bilang domestic helper sa Saudi Arabia.

"'Yong naipon ko, naubos rin po," ani Camilag.

Sa kasagsagan naman ng enhanced community quarantine, nasunugan ng bahay ang nasa 80 pamilya sa Barangay 61 sa Pasay.

Ang mga nasunugan at mga taga-Barangay 130 ang hinatiran ng relief packs ng ABS-CBN sa pamamagitan ng Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino Para sa Pilipino.

Ang ayuda ay galing sa mga biniling donation voucher ng publiko sa mga partner na online merchants, na tutumbasan ng ABS-CBN at corporate partners para mas maraming maabutan ng tulong ngayong may pandemya.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.