MAYNILA - Viral ngayon sa social media ang isang pizza delivery boy na namamakyaw ng tinapay sa isang bakery para ipamigay sa mga street dweller sa Quezon City.
Sa post ng may-ari ng bakery na si Reyna Ominga, ibinahagi niya na ilang araw nang bumibili nang maramihan sa kanilang tinapayan sa San Juan si Raymond Papellero, na mula Cubao, Quezon CIty.
Nang tanungin umano siya kung para saan ito, ibinahagi ni Papellero na pinambibili niya ito ng tinapay para sa mga walang matirhan ngayong may banta sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gamit umano ni Papellero ang tip na nakukuha mula sa mga nagpapa-deliver sa kaniya na customer.
"Sabi ni Kuya, lahat daw ng nakukuha niyang tip everytime nagde-deliver siya, iniipon niya pambibili niya ng bread. Then pinapamigay niya sa mga taong nakikita niya sa kalsada along the way. We were stunned! And that, my friend, is how we encounter Christ this Easter Sunday," ani Omina sa kaniyang post, na ngayong may 296,000 reactions at 80,000 shares.
Sa panayam sa programang “Lingkod Kapamilya” sa DZMM, sinabi ni Ominga na hindi niya inaakalang magva-viral ang kaniyang post.
“Noong first day, second day, normal lang [na may namimili nang ganoon]. Pero noong pinost ko siya doon siya nakipag-usap sa kasamahan sa bakery so pina-translate namin ‘yong pinag-uusapan nila. So 'yun pala iyong sitwasyon na ginagawa niya. So na-amaze po kami,” ani Ominga.
Sariling kusa ni Papellero ang pamamahagi ng tinapay sa mga street dweller, sabi ng delivery boy sa parehong panayam.
“Marami po ako nakikita sa kalsada at naghahanap po sila ng pagkain. So ayun naisip ko pong bumili ng tinapay para ibigay po sa kanila,” ani Papellero.
Tig-4 na tinapay ang binibigay ni Papellero kada tao para marami ang kaniyang nabibigyan. Tinatayang nasa 200 hanggang 300 piraso araw-araw ang pinamimiling tinapay ni Papellero para sa mga binibigyan niya.
Nagpasalamat si Papellero sa mga tumangkilik sa post tungkol sa kaniya. Nanawagan din siya na mamigay ng mga pagkain sa mga nangangailangan.
-- May ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, pizza delivery boy, pizza delivery boy viral, TV Patrol, Zhander Cayabyab