PatrolPH

6 anyos nagsuot ng improvised protective suit para maregaluhan ang ama na frontliner

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 03:08 PM | Updated as of Apr 14 2020 04:40 PM

6 anyos nagsuot ng improvised protective suit para maregaluhan ang ama na frontliner 1
Dahil frontliner na bantay-checkpoint at exposed sa maraming tao, hindi nagagawang makalapit ng kanilang mga anak sa kanilang ama mula noong Marso 31. Photos courtesy: Joly Marie Garces Masa​

MAYNILA - Sa kagustuhang makalapit ng anak sa kaniyang frontliner na ama, naisip ng isang ina na pagsuotin ito ng protective suit na gawa sa garbage bag at plastic bottle ang isang 6 anyos na bata sa Bacolod City. 

Sa kuhang retrato ni Bayan Patroller Joly Marie Garces Masa, makikita sa mga retrato ang bata na si Ali na nasa labas ng bahay na kausap ang ama. Sa isa pang retrato makikitang may hawak na birthday cake si Ali na gusto nitong ibigay sa ama. 

Dahil frontliner na bantay-checkpoint at exposed sa maraming tao, hindi nagagawang makalapit ng kanilang mga anak sa kanilang ama mula noong Marso 31, ayon kay Joly. 

Kaya naman ng makiusap si Ali na mayakap ang ama at makalapit para ibigay ang sulat nya para rito, naisip ni Joly na gumawa ng do-it-yourself na protective suit. 

"Dad is from duty po mag da-drop by lang po sana para makita yung kids namin kaso he didn’t know po na I already made DiY PPE for my daughter kasi she is requesting to hug her daddy since palaging sa pinto lang sila pasilip-silip at mag wave. Since birthday naman po ni daddy niya, ito nalang ginawa naming surprise,” aniya. 

Dagdag pa ni Joly, pakiusap niya sa publiko na manatiling nasa bahay para sa mga frontliners at kanilang mga pamilya na matagal na silang inaasam na makasama. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.