Mga lumang simbahan sa Ilocos Norte, inaasahang dadagsain sa Visita Iglesia

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2019 03:55 AM

Paoay Church sa Ilocos Norte. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/file photo

ILOCOS NORTE - Inaasahang dadagsain ang ilang simbahan sa Ilocos Norte sa magsasagawa ng Visita Iglesia ngayong Semana Santa.

Nangunguna sa listahan ng mga turista ang St. Augustine Church o mas kilala na Paoay Church sa bayan ng Paoay.

"Nakasali ito sa UNESCO... napaka-historical talaga ng church na ito," ani Voltaire Ibote na nag-umpisa na sa kaniyang Visita Iglesia.

Ayon kay Fr. Joey Ranjo, tagapagsalita ng Diocese of Laoag, nasa listahan din ang ilang lumang simbahan ng Ilocos Norte.

Gaya ng Shrine of La Virgen Milagrosa de Badoc sa Badoc, Santa Monica Parish Church sa Sarrat, at Saint Andrew The Apostle Church sa Bacarra.

"Very popular dito sa atin ay mga cultural churches, historical churches... na ginawa pa noong time ng mga Spanish," ani Ranjo.

Paalala ng simbahan, dapat magdasal kapag nagbi-Visita Iglesia at hindi puro selfie o groufie lang.

"Kaya tayo may Visita Iglesia to remind us ang ating pilgrimage to the kingdom of God. So we travel in the earth towards the kingdom of God," dagdag ni Ranjo.

Ipinagbabawal naman ang mga kandidato na mangampanya o mamigay ng mga campaign material sa loob at nasasakupan ng mga simbahan. - Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.