Higit 200 riders nakilahok sa ‘Bisikleta Iglesia’ sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2019 04:41 PM | Updated as of Apr 13 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagsama ng daan-daang siklista ang pananampalataya at ehersisyo sa idinaos na "Bisikleta Iglesia" sa Batangas nitong Sabado. 

Higit 200 riders ang dumarayo sa pitong simbahan sa probinsiya para magdasal at magnilay-nilay. 

Suot ng riders sa likod ang krus at Stations of the Cross na ginagamit nilang gabay sa pagdarasal sa bawat simbahan. 

Kabilang sa mga sumali ang kilalang "Running Priest" na si Fr. Robert Reyes, na iginiit ang kahalagahan ng Bisikleta Iglesia sa kinahaharap na climate change sa mundo. 

"Bikers do not produce carbon emissions, di ba? They're clean, they're a source of clean energy, clean thoughts, clean behavior, clean manners everything clean and so it's important for the Catholic faith," aniya. 

Para sa organizer na si Bong Evangelista, uri ito ng "pagbabalik" sa mga nakagawiang rituwal ng mga nauna nang henerasyon tuwing Semana Santa. 

Tingin niya na "maraming nakakalimot" sa ganitong mga rituwal tuwing Kuwaresma. 

"Maraming nakakalimot na nito eh so kami even our millennials hindi na rin ginagawa ito so nakuha rin naman natin ito sa mga parents natin so binabalik pa rin naman namin," aniya. 

Ito na ang ika-anim na taon na idinaos ang Bisikleta Iglesia. 

-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.