May iilan na pinipiling hindi na lang kainin ang isang putahe sapagkat allergic sila rito.
Ngunit bakit nga ba nagkakaroon ng allergy ang isang tao sa pagkain?
Ayon sa doktor na si Roxanne Casis-Hao, maaaring may sangkap ang mga naturang pagkain na hindi hiyang sa anti-bodies na inilalabas ng katawan.
Naglalabas aniya ng mga kemikal ang katawan na nagdudulot ng allergic reaction dito.
"Kapag kakain tayo ng mga pagkain nasensitized tayo doon nagre-react 'yung body natin na nagre-release ng chemicals na nagdudulot ng allergic reaction," ani Casis-Hao sa programang "Good Vibes" ng DZMM.
Ang karaniwan aniyang food allergy ang IgE-mediated food allergy, na nangyayari tuwing na-e-expose ang tao sa piling pagkain.
Aniya, para malaman kung may allergy sa isang pagkain ay dapat nakikita ang allergic reaction sa nasabing ulam, gaya ng manok o kaya isda, gaano man ang paraan ng pagluluto nito.
"Ang isa sa depinisyon ng food allergy ay dapat reproducable ito. Hindi puwede na kapag pinrito lang (ang ulam) mayroong allergy," ani Hao.
Kung ngayon lang aniya nakita ang allergy sa pagkain ng nasabing ulam ay dapat tingnan ang sangkap nito kung mayroong isda, shellfish, mani, tree nuts, wheat, asin o kaya itlog - na karaniwang mga pagkain na nagdudulot ng allergy sa isang tao.
Malalaman kung may allergy ang isang tao kapag isinailalim ito sa mga pagsusuri gaya ng skin test, blood test, o serum test.
Pantal man ang karaniwang bunga ng pagkakaroon ng allergy at maaaring gamutin ng tabletang anti-histamine, maaari rin itong lumala at maging anaphylaxis, kung saan mahihirapang huminga ang isang may allergy.
Ang solusyon dito, ayon kay Casis-Hao, ang gamot na epinephrine, na hindi makukuha nang over-the-counter sa botika.
Mainam aniyang dalhin sa ospital ang may allergy para magamot ito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, tagalog news, good vibes, DZMM, Reseta ni Dok, pagkain, allergy, allergies, allergy test