River cruise, Kundiman songs, atraksiyon sa isang resort sa Bulacan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Lifestyle

River cruise, Kundiman songs, atraksiyon sa isang resort sa Bulacan

River cruise, Kundiman songs, atraksiyon sa isang resort sa Bulacan

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bunsod ng pagpasok ng tag-init, madami na naman ang naghahanap ng resort para makapagtampisaw at maka-bonding ang mga kaanak o kaibigan.

Sa bayan ng Calumpit sa Bulacan, pangunahing bentahe ng isang resort ang pagnanais nitong magkaroon ng mapayapang pananatili ang mga bisita, kasabay ng pagiging malapit sa kalikasan at kulturang Pinoy.

Ito ang Lawiswis Kawayan Resort and Spa, na hango ang pangalan sa isang pambayang awiting sinasabing nagmula sa Kabisayaan.

Ayon sa may-aring si Angel Aldaba, batid nila ng kaniyang mister na mahirap makipagsabayan sa ibang malalaking resort sa lalawigan kaya minabuti nilang gawing hindi gaanong pampubliko ang kanilang resort.

ADVERTISEMENT

"We stick to the idea na we will cater to those guests who value their privacy. 'Yong gusto nila, ma-enjoy nila 'yong pool na sila-sila lang, ma-enjoy ang nature," sabi Aldaba.

"They can relax and do whatever they would like nang walang masyadong crowd," dagdag pa nito.

Mistulang nakatago ang resort na, gaya ng mga linya sa awit na pinagkuhanan ng pangalan, napapaligiran ng mga puno at kawayan.

Bukod sa nakagiginhawang huni ng mga ibon na pumupuno sa kapaligiran, hitik din sa iba't ibang serbisyo at pasilidad ang resort. Kasama rito ang mga swimming pool, cottage, cabana, function hall, at conference room.

Pero ang isa sa mga ipinagmamalaking atraksiyon ni Aldaba ay ang river cruise, na mistulang nagdadala sa mga bisita sa unang panahon.

Habang binabaybay kasi ng kainan ang ilog na napapaligiran ng mga kapunuan ay may nanghaharana ng mga Kundiman o iyong mga tradisyonal na awiting may temang pag-ibig.

"Fine-feature dito 'yong mga Kundiman song na matagal na nating 'di naririnig. It's something na mare-revive iyong ating pagka-Filipino," ani Aldaba.

Nagtrabaho sa pribadong island-resort na Amanpulo si Aldaba bilang reservations officer.

Nakita ni Aldaba ang kagandahan ng pagpapatakbo ng resort kaya ito ang naisipang pasuking negosyo, gamit ang puhunang P4 milyon.

"We want to provide our children with the best we want to offer. Kung empleyado lang kami, 'di siya enough para sa mga pangarap namin sa mga bata," ani Aldaba.

Kuwento ni Aldaba, dating damuhan ang lupang kinatitirikan ngayon ng kanilang resort, na namana lang ng kaniyang mister.

Payo ni Aldaba sa mga papasok sa negosyong resort ay maging masinop sa pera.

"You would always need to save a bit of what you are earning. Kasi ako, may tendency ako na itodo...But it cannot be kasi ang daming taong nakasuporta sa'min na kami rin 'yong inaasahan," aniya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.