Bakit kailangan ng bagong kopya ng birth certificate?

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Bagama't hindi napapapaso ang validity ng mga iniisyung birth certificate, kailangan umanong gumawa ng mga bagong kopya nito, ayon sa isang opisyal ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, ipinaliwanag ni Editha Orcilla, assistant national statistician ng ahensiya, kung bakit kailangan nilang maglabas ng mga bagong kopya ng birth certificate.

"Hindi naman talaga kailangang i-renew ang birth record, kaya lang kasi sa PSA, 'yung papel na ginagamit ng aming opisina, may time na nagbabago ang kulay for security reasons, so lahat po ng mga embassies, properly informed sila kung nagbago kami ng kulay," paliwanag ni Orcilla.

"Ang daming magagaling gumawa ng mga documents, for security reasons, pag na-reach namin yung certain volume na 'yan, we have to change, kasi ang daming namemeke ng mga documents," dagdag ng opisyal.

Nilinaw din ni Orcilla na ang mga ahensiya ng gobyerno at mga employer ang nanghihingi ng bagong kopya ng birth certificate.

"Kasi po kung minsan, kung issued so many years ago, lalo na kapag may mga tampered entries, kahit naman ako 'yung employer o gagamit ng document, I have to request for a newer version to ensure na talagang malinis yung papel na ibinigay ng applicant," sabi ng opisyal.

Sa mga nais namang kumuha ng kopya ng birth certificate, marriage certificate, o death certificate, kinakailangan magbayad ng P155, ayon kay Orcilla.

Saan puwedeng kumuha ng kopya ng birth certificate?

Ayon naman kay PSA Registration Officer 3 Janeth Baclao, mayroon silang anim na outlets sa Maynila.

Aniya, ang central outlet ay matatagpuan sa Sta. Mesa, habang may mga outlet din sa Caloocan, Muntinlupa, Pasig, Makati, at Pasay.

Sinisikap din umano nilang mapabilis ang kanilang serbisyo.

"Dahil sa dami po ng mga nag-a-apply sa ngayon, talagang pipila po sa umaga pero hindi sila aabutin ng hanggang hapon kung walang problema 'yung document," ani Baclao.

Kung nais namang kumuha ng birth certificate kahit nasa ibang bansa, puwedeng pumunta sa e-Census website ng ahensiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.