ALAMIN: Paano makakaiwas sa heat exhaustion?

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2017 07:54 AM

Payo ng mga eksperto, mahalagang pangalagaan ang pangangatawan ngayong tag-init upang makabawas sa heat exhaustion.

Isa ang heat exhaustion sa mga madalas na maaring maranasan lalo na kapag tag-init.

Ayon kay Dr. Anthony Leachon, isang cardiologist, may dalawang uri ng heat exhaustion: ang exertional heat exhaustion at ang non-exertional o classical heat exhaustion.

Ang exertional heat exhaustion ay nararanasan ng mga taong may normal na kondisyon ng puso ngunit biglang isusugod sa ospital dahil sa hirap sa paghinga o sa pagkahingal.

Karaniwang nakakaranas ng exertional hear exhaustion ang mga atleta, traffic enforcers, o mga sundalo. Maari rin itong mangyari sa mga concert.

Samantala, ang classical heat exhaustion ay maaring maranasan ng mga pasyenteng dati nang may kundisyon sa puso.

Dagdag pa ni Leachon, mas prone sa heat exhaustion ang mga bata at mga matatanda.

"Ang ibig sabihin kapag nagkaroon ka ng heat stroke, hindi naka-agapay 'yung body sa pag-adjust kasi nasa hypothalamus po 'yun eh. So sa bata, hindi well developed ang hypothalamus, sa matanda naman medyo may edad na or maaring na-stroke na," aniya.

"So ang nangyayari diyan, ang thermostat nila hindi masyadong maayos. Kapag sobrang init, tataas ang heart rate mo, bababa ang blood pressure mo," paliwanag rin ni Leachon.

Ayon naman kay Dr. Ted Esguerra, madalas na ang utak ng isang tao ang apektado kapag matindi ang init.

Tinatawag ring "cold heart, hot brain" ang kundisyong ito.

"Kapag maiinit, it is the brain that is sensitive kaya minsan sa heat stroke, nagkakaroon ng seizure, o talagang babagsak 'yung... ang level of consciousness niya, pangit."

"'Pag sobrang lamig naman, it's the heart that is sensitive kaya nag-arrhythmia 'yan," paliwanag ni Esguerra.

Dagdag pa ni Esguerra, dagdag na ingat ang kailangan ng mga pasyenteng may sakit sa puso ngayong tag-init dahil mas mataas ang tsansa na magkaroon sila ng heat exhaustion.

"'Pag may sakit ka na sa puso, madadagdagan talaga 'yan kasi ang heart natin, it's a pumping thing, it's not a siphon thing."

"The more it pushes blood tapos mali 'yung balik nung dugo, hindi katulad 'yung pressure ng buga ko, hindi ganoon halos 'yung balik ko, so halos 'pag tuloy tuloy na rapid 'yung aking heart rate, makukulang na 'yung aking push of the blood," aniya.

Payo ng mga doktor, mahalaga na uminom ng maraming tubig. Iwasan rin ang pag-inom ng softdrinks, kape o energy drinks dahil maaring magdulot ito ng dehydration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.