Kahit 'LDR': Sundalo may sorpresang padala sa nobyang pulis sa checkpoint sa Agusan Del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2020 01:17 PM

Naibigay ni Reynard Baynos, isang sundalo, ang kaniyang sorpresa sa pamamagitan ng mga katrabaho ng kaniyang fiancée na bantay-checkpoint sa Agusan Del Norte kahit pa man nakadestino ito sa Palawan. Larawan mula sa Buenavista Agusan del Norte Police

BUENAVISTA, Agusan Del Norte - Nakakakilig na sorpresa ang hatid ng isang sundalong nakadestino sa Palawan sa kaniyang nobyang bantay-checkpoint sa bayan na ito nang magpadala ng bulaklak, balloons at cake sa kanilang anibersaryo.

Sa videong kuha ng Buenavista Police Station noong Miyerkoles, makikita na nasorpresa si Patrolwoman Mary Grace Agnes Malongayon pagtanggap nito ng mga bulaklak, balloons at cake na bitbit ng grupong kinontak ng mga kasamahang pulis.

 

Isa sa mga bantay noong araw na iyon si Malongayon sa quarantine checkpoint sa Barangay Abilan.

Pakana ito ng kaniyang fiancé na si Reynard Baynos, isang sundalo na kasalukuyang nakadestino sa Palawan.

Aminado si Malongayon na hindi niya inaasahang maso-sorpresa siya ng kaniyang nobyo ngayong malayo siya rito at nakabantay pa siya sa mga checkpoint dahil sa community quarantine sa lugar laban sa COVID-19.

Nagpasalamat si Malongayon sa kaniyang fiancé sa ginugol na panahon para lang masorpresa siya.

Isang taon na silang mag-nobyo at na-engage sila noong Enero. Aminado ang dalawa na mahirap ang long distance relationship pero mas nakapahirap pa sa sitwasyon ngayon ang COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam sa ABS-CBN News, nagpaabot si Baynos ng pasasalamat sa nobya.

"Kahit malayo tayo sa isa't isa dito lang ako para sa iyo. Salamat dahil lagi kang nandiyan para sa akin, magtiwala lang tayo sa isa't isa malagpasan din natin ang mga problema na 'to," ani Baynos.

Nakatakda dapat sa Hunyo 29 ang kanilang kasal pero napagkasunduan nilang ipagpaliban muna ito dahil sa banta sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.