PatrolPH

Judge sa Benguet, dumaan sa hirap at pagiging tindero habang lumalaki

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2023 08:52 AM | Updated as of Apr 10 2023 11:22 AM

 James Abalos Fernandez FB
Courtesy of Judge James Abalos Fernandez

MAYNILA (UPDATE) - Isang inspirasyon ang kuwento ni Judge James Abalos Fernandez ng Kalinga province dahil sa kaniyang pinagdaanan habang lumalaki.

Si Fernandez, na kasalukuyang naka-assign sa Benguet, ay dumaan sa pagiging isang tindero ng mga pagkain tulad ng ice candy, samalamig, halu-halo, banana cue, at hotcake bago maging abogado at ngayon ay huwes na.

Sa panayam sa kaniya ng ABS-CBN TeleRadyo ngayong Martes, kinuwento ni Fernandez na nagsimula siya sa pagtitinda sa murang edad matapos mamatay ang kaniyang ama.

Bilang bunso sa siyam na magkakapatid, tinulungan aniya ni Fernandez ang kaniyang ina sa pagtataguyod ng kanilang pamilya hanggang sa makapagtapos siya ng pag-aaral.

Kinuha niya ang kursong BS Accountancy sa Kalinga-Apayao State College bago tinahak ang paga-abogasya. Naipasa niya ang bar exam noong 2014.

“Feeling ko kasi noon, parang aping-api kami. At gusto ko naman na ako ang tutulong sa aking pamilya para hindi na maapi... Kasi sa hirap ng buhay namin, parang nakikita ko na may mga taong minamaliit yung ginagawa namin. Ang dami naming napapakinggan na parang nagsasabi na… walang mararating yan,” sabi ni Fernandez.

“Parang yun yung feeling ko noong bata ako, na hindi ko kayang makuha at may mga tao talagang kasi na minamaliit talaga yung mga wala rin sa buhay.”

Naniniwala si Fernandez na lahat ng tao ay may karapatan sa hustisya, anuman ang kanilang estado sa buhay.

Kalaunan ay naging public attorney si Fernandez, at nitong Marso ay naitalaga bilang municipal trial court judge ng Tublay at Atok, Benguet.

“Sa kultura natin, meron at meron nakakaangat talaga na parang nasa kanila ang hustiya. Pero bilang isang huwes, magbabase pa rin kami sa decision namin kung ano ba ang nasa ebidensya… at ia-apply lang po namin kung ano yung batas para sa isang kaso,” sabi niya.

- Ian Jay Capati, ABS-CBN News Intern

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.