PatrolPH

Tips para di agad masira ang pagkain ngayong tag-init

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 05:23 PM | Updated as of Apr 09 2019 05:35 PM

Watch more on iWantTFC

Maliban sa epekto ng mainit na panahon ngayong tag-araw sa kalusugan ng tao, mahalaga ring bigyan ng pansin ang epekto nito sa pagkain.

Mas madali kasing mapanis o masira ang pagkain kapag mainit, at ito ay nagiging sanhi ng food poisoning.

Sa programang "Todo-Todo Walang Preno" ng DZMM, nagbahagi ang host si Winnie Cordero ng tips para hindi agad masira ang pagkain ngayong tag-araw.

KARNE

Ayon kay Cordero, mainam na ilagay agad sa refrigerator o freezer ang mga hilaw na karne kung hindi ito agad iluluto.

Hugasan muna umano ang karne at ilagay sa selyadong lalagyan bago ilagay sa freezer.

Maaari ring isangkutsa ang ibang karne bago ilagay sa refrigerator.

Dalawang araw ang itatagal ng isinangkutsang karne sa refrigerator samantalang puwede namang tumagal ng 5 araw o higit pa ang hilaw na karne sa freezer basta "consistent" o hindi nagbabago ang temperatura, ayon kay Cordero.

"Ibig sabihin, hindi napapasok ng init ang ref o freezer kaya iwasan... 'yong madalas na pagbukas o pagsara ng pintuan ng ref o freezer," aniya.

Huwag din umanong ibabalik sa freezer ang karne kapag lumambot na.

STARCHY FOOD

Madali rin umanong mapanis ang kanin at iba pang "starchy food" gaya ng pasta at pansit "dahil madali itong nakakapag-absorb ng moisture o tubig kahit na nasa ref."

Kaya ipinayo ni Cordero na maglagay ng paper towel sa ibabaw ng lutong kanin o pasta para ma-absorb nito ang moisture na namumuo sa takip ng lalagyan.

Mainam din ang pagluluto nang sapat para wala nang matira.

Dapat ding mag-ingat sa mga pagkaing may kamatis o tomato sauce, gata at gatas dahil madali ring masira ang mga ito, ani Cordero.

PRUTAS AT GULAY

Madalas din umanong masira ang mga prutas at gulay tuwing tag-init.

Ipinayo ni Cordero ang pagbili ng sapat na dami ng prutas at gulay para makain o maubos agad.

Piliin din daw ang prutas at gulay na medyo hilaw para hindi mabulok agad at masayang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.