Daan libong Katoliko nanood ng online Pabasa ng Quiapo Church

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 05:54 AM

 

Daang libong mga Katoliko ang nanood at nakiisa sa Pabasa sa Pasyong Mahal na naka-live stream mula sa simbahan ng Quiapo, Maynila nitong Lunes. 

Nagsimula ang Pabasa ng alas-7 ng gabi ng Lunes Santo. Ang unang set ay natapos ng alas-11 ng gabi at may higit 230,000 views sa loob ng apat na oras. Ang pangalawang set naman na nagsimula ng alas-11 ng gabi at natapos ng alas-3 ng madaling araw at may 100,000 views. 

Hindi pa tapos sa ngayon ang pangatlo at huling set at inaasahan din na magkakaroon ng libo-libong views ang nasabing aktibidad. 

Ang Pabasa ay isa sa mga inaabangan aktibidad ng Semana Santa na karaniwang ginagawa sa harap ng simbahan ng Quiapo sa Plaza Miranda ngunit dahil sa enhanced community quarantine, napagdesisyunan ng gawin itong online at para na rin mas maraming mananampalataya ang kayang maabot.

Pagkatapos ng pabasa, ila-livestream din ngayong Martes Santo ang 5 a.m. mass, 6 a.m. mass at tatlong misa pa sa hapon. Lahat ng misa ay online at sarado ang simbahan sa publiko para maiwasan ang pagtitipon ng maraming tao sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Samantala, ang Baclaran Church ay may online Holy Week Recollection 5:30 ng hapon ngayong Martes Santo. Maaring panoorin nang libre ang recollection sa Facebook page ng Baclaran Church para makapagnilay ngayong Semana Santa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.