Teenager na hinangaan sa pagkanta ng rock, bumida sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2019 02:15 PM | Updated as of Apr 07 2019 04:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-viral noon sa social media ang video ng pagkanta ng 18 anyos na si Crystal Gatchalian ng "Banal na Aso, Santong Kabayo" ng bandang Yano.

Kuha ang video sa isang school event kung saan ini-request ng mga kamag-aral ni Gatchalian ang kanta, na dati na nitong itinanghal sa Battle of the Bands sa kanilang eskuwelahan.

Ayon kay Gatchlian, na tubong-Quezon City, hilig niya talaga ang pagkanta ng rock songs at lalo siyang na-inspire dito dahil kay Janine Berdin.

"Parehas 'yong genre namin (Berdin), sobrang nagkaroon po ako ng lakas ng loob kasi kaya ko palang ilaban din 'yong style ng boses ko," sabi ni Gatchalian sa programang "ASAP."

Si Berdin ang grand winner ng ika-2 season ng "Tawag ng Tanghalan" sa "It's Showtime."

ITINATAGUYOD ANG SARILI

Bukod sa pagiging paboritong genre ng musika, rock songs din ang daan ni Gatchalian para may pantustos sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Ipinamigay si Gatchalian ng kaniyang magulang sa kaniyang tiyahin pero nagtrabaho ito sa Japan kaya lumaki siya sa pag-aalaga ng kaniyang lola, kuwento ni Gatchalian.

Pero nang pumanaw ang lola, doon na umano naisipan ni Gatchalian na pumasok sa pagbabanda para kumita.

"Nakakita ako ng isang work na swak doon sa hilig ko pong gawin," ani Gatchalian.

"Natulungan ako noon sa mga pinansiyal na kailangan ko, pambayad ng tuition fee saka baon at sa pang-araw-araw," dagdag niya.

Bumida si Gatchalian sa "ASAP" kasama ang idolong si Berdin, at sina KZ Tandingan, Yeng Constantino, at Arci Muñoz.

Inawit nila ang mga kantang "Banal na Aso, Santong Kabayo" at "Laklak" ng Teeth.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.