PatrolPH

Ano ang dasal ng mga Pinoy sa Visita Iglesia 2023?

Lady Vicencio at Andrea Taguines, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2023 03:59 PM

ABS-CBN News 
Kuha ni Mark Demayo, ABS-CBN News 

MAYNILA — Kanya-kanyang paraan ang mga Pilipino para makalahok sa tradisyunal na Visita Iglesia ngayong Semana Santa.

Ilang mga mananampalataya ang kinumpleto ang Stations of the Cross sa Manila Cathedral at ilan naman ang pumila sa kumpisal.

Ginawa namang ikaapat na stop ng isang grupo ng pilgrim mula sa National Shrine of Mary Help of Christians Church sa Parañaque City ang Manila Cathedral para sa kanilang Visita Iglesia.

Kabilang sa grupo si Bro. Noche Bataona SDB, isang Salesian brother mula pa sa Indonesia, na hanga sa paggunita ng Semana Santa sa bansa.

“Amazing... I cannot find [anything] like this in my country. I feel that my faith really [grew] ,” ani Bataona.

Kasama man ang kanilang pamilya, taong simbahan, kaibigan, o kasiklista, malalaking grupo naman ang pumunta sa Baclaran church.

Ayon sa 65-anyos na si Norly Alvela, hiling niya na mawala na ang kanyang cancer na na-downgrade na sa Stage 2 mula Stage 4 noong 2015.

“Sana maging survivor na ako. Although ito naman ay bumaba na, kaya lang kailangan pa rin ng monitoring at siyempre, pera. Kasi hindi ka naman makapagpagamot kung wala kang pera,” aniya.

Kahit na may sakit, determinado si Alvela na makapunta sa 7 simbahan ngayong Huwebes Santo. 

“Gusto ko pang mabuhay e. Gusto ko pang makitang lumaki ang mga apo ko. Gusto ko pang grumaduate ng college yung mga apo ko kaya kahit sakripisyunan ko lahat yan,” aniya.

May mga non-Catholics din na nag-Visita Iglesia tulad ni Fe Kalagayan na mula pa sa Cavite kasama ang ilang miyembro ng El Shaddai community.

Hiling niya na makasama na ang anak na 3 taon nang nakakulong dahil sa drug charges.

“Hindi ko alam sa ano ng mga pulis. Parang pinalabas nila na nagbebenta [siya ng iligal na droga] pero hindi talaga, naggagamit lang siya,” aniya. “Sa awa ng Diyos, siguro sa pagpe-pray ko, makakalaya na din. Siguro ipagkaloob na yan ni Lord, matagal-tagal na rin naman e.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.