'Pantawid ng Pag-ibig': Mga nasunugan sa Parañaque inabutan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tulong mula sa Pantawid ng Pag-ibig, iaabot na rin sa mga karatig-lalawigan ng Metro Manila

Nakadagdag sa hamon ngayon ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang pag-asikaso sa mga residenteng nasunugan sa Barangay Don Bosco noong nakaraang buwan.

Ang mga nasunugan, kagaya ni Jay Encando, ay halos isang buwan nang tumutuloy pansamantala sa Don Bosco Elementary School.

"Noong time na nasunugan kami noon, nasa office po ako, hindi po nakakuha ng gamit," ani Encando sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa kabila ng situwasyon, nagpapasalamat si Encando na hindi sila pinabayaan ng kanilang barangay, kasabay na rin ng pagprotekta sa kanila sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

"Mayroon pong barangay na nagdi-disinfect na linggo-linggo, nandito po sila para maiwasan ang COVID-19," aniya.

"Awa po ng Diyos, marami kaming natatanggap na tulong," dagdag ni Encando.

Sinisikap ng Parañaque local government na bawat barangay ay maabutan ng relief goods.

Laking-ginhawa ng kalooban ito para kay Rose Bernardo dahil hindi na niya kailangang lumabas ng kaniyang bahay.

"Ang hirap lang po, wala kaming trabaho," ani Bernardo.

"Mabuti naman, nagpapasalamat kami naka-2 bigay na dito sa amin, nakakaraos po sa araw-araw," aniya.

May binuong sistema ang mga opisyal sa paghanda ng relief goods kaya agad nakararating ang tulong ng local government unit at Pantawid ng Pag-ibig campaign.

"Mapapansin niyo, iba taga-repack ng bigas, may pinagdadaanan siya sa pagpa-pack ng de-lata. May finished product, may tagatiklop naman," ani Elisa Pojanes, officer in charge ng general services office ng Parañaque.

"Kapag organized, mas mabilis, tuluy-tuloy," aniya.

Simula naman ngayong linggo, katuwang pa rin ang mga local government unit, makararating na rin ang tulong na nakalap ng Pantawid ng Pag-Ibig sa Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Food Inc.
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.