SINGAPORE - Napabilang ang dalawang Pinoy restaurant sa Pilipinas sa prestihiyosong 2023 Asia’s 50 Best Restaurants habang isang Singapore-based Pinay chef naman ang nakasungkit sa pinnacle award bilang Best Female Chef 2023 sa nasabing award giving body.
Lumahok sa awarding ceremony noong March 28, 2023 sa Resorts World Sentosa si Ambassador of the Philippines in Singapore Medardo G. Macaraig. Binati ni Amb. Macaraig ang mga kababayan at kinilala ang galing ng mga Pilipino sa pagluluto ng world-class na mga putahe.
Ayon pa sa Embahada, ang Asia’s 50 Best Restaurants ay inilunsad taong 2013 sa Singapore at taun-taong nagbibigay pagkilala at parangal sa mga katangi-tanging nag-aambag sa food industry sa rehiyon. At sa ikasampung anibersaryo ngayong taon ng award giving body, nilahukan ang awarding ceremony ng mga kilalang chefs, restaurateurs, media at ng iba pang panauhin.
Nasungkit ni Singapore-based Filipina Chef Johanne Siy ng Lolla Restaurant ang katangi-tanging parangal bilang Best Female Chef 2023. Ikalawa pa lamang siyang Pinay chef na nakatanggap ng nasabing award kung saan kinilala rin si Margarita Forès taong 2016. Tubong Dagupan City sa Pilipinas si Chef Siy at ginawaran na rin ng isa pang katangi-tanging parangal na Singapore’s World Gourmet Awards’ Female Chef of the Year taong 2021.
Si Amb. Macaraig (left) kasama si Singapore-based Filipina Chef Johanne Siy (right)
Dagdag pa ng Embahada, nasungkit naman ng dalawang Pinoy restaurant sa Pilipinas ang ika-42 at ika-48 sa 2023 Asia’s 50 Best Restaurants.
Bukod sa ika-top 42 restaurant na iginawad sa Toyo Eatery Manila na pagmamay-ari ng Pinoy couple chefs na sina Jordy at May Navarra, nagwagi rin ang nasabing vegetarian o vegan restaurant ng dalawa pang katangi-tanging parangal:
- Best Restaurant in the Philippines 2023
- Flor de Caña Sustainable Restaurant Award 2023
Ang Toyo Eatery Manila at Metiz Makati
Nakapwesto naman sa Top 48 ang Metiz sa Makati na pagmamay-ari ng half-French, half-Filipino chef na si Stephan Duhesme. Kilala ang Metiz sa pamamaraan ng pagbuburo at sa paggamit ng mga lokal na sangkap sa kanilang mga putahe.
Patuloy ang pagsuporta ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore para sa mahahalagang ambag ng mga kababayan sa iba-ibang larangan.