Bakit nananaginip ang isang tao?

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 09:12 PM | Updated as of Jan 13 2019 07:01 PM

Maraming dahilan kung bakit nananaginip ang isang tao, ayon sa isang dream analyst at psychiatrist.

Sa programang "Sakto" sa DZMM, ipinaliwanag ni Dr. Randy Dellosa ang kahulugan ng mga panaginip at kung bakit ito nangyayari.

"Maraming reasons para managinip eh, pero basically, 'yung brain natin, ito 'yung computer ng pagkatao natin, so habang natutulog tayo, du'n nagre-reboot ang brain," paliwanag ni Dellosa.

"So, lahat ng mga experiences natin throughout the day, du'n pinoproseso, so it's during the dreams na pinoproseso 'yung mga experiences natin sa buhay," dagdag ng doktor.

Ayon kay Dellosa, maaaring ang mga panaginip ay mga komentaryo lamang tungkol sa buhay.

Ngunit puwede rin aniyang magkaroon ng panaginip na "prophetic" o "predictive."

"One example is si [US President Abraham Lincoln] na isang araw pumasok sa White House and then maraming tao, and then hiniwalay niya ang mga tao to find a kabaong at the center of the hallway. When he saw the kabaong, nandu'n pala siya. After a few days, na-assasinate nga siya," kuwento ni Dellosa.

Kung nananaginip naman na lumilipad, puwede umanong tagumpay o "wishful thinking" ang mga kahulugan nito.

Sleep Paralysis

Ipinaliwanag din ni Dellosa ang sleep paralysis na nangyayari habang natutulog ang isang tao.

"'Yung sleep paralysis ay 'yung hindi tayo makagalaw, it happens to all of us every night, around 4 to 5 times nangyayari, kasi it happens every rapid eye movement stage," paliwanag ng doktor.

Kapag nasa rapid eye movement o kalaliman ng tulog, hindi umano makakagalaw ang isang tao, ayon kay Dellosa.

Ngunit maaari rin umanong magising ang isang tao habang nasa kalaliman ng tulog na nagreresulta sa pagkaparalisa ng katawan.

Ayon sa doktor, posibleng bangungot ang dahilan ng pagkagising habang nasa naturang estado.

Ngunit ayon sa doktor, normal lang umano na nangyayari ang sleep paralysis.

Bangungot

Tinatawang namang "sudden death during sleep" kung hindi na nagising dahil sa bangungot, ayon kay Dellosa.

"Medyo trine-trace nila sa diet, and usually ang culprit ay alcohol, pangalawa busog 'yung tiyan, and then baka yung alcohol ay may reaction na sa pancreas or sa organs, tuloy du'n namamatay during sleep," paliwanag ng doktor.

Madalas umano itong nangyayari sa mga kalalakihan sa mga bansa sa Southeast Asia.

Ayon pa sa doktor, malimit din umanong nagkakaroon ng cardiac arrest o atake sa puso habang nasa kalaliman ng tulog dahil dito umano tumataas ang blood pressure, heart rate, at breathing rate ng isang tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.