Sa kabila ng hirit na paimbestigahan, designers patuloy na makikipagugnayan kay VP Leni sa paggawa ng PPEs

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 07:47 PM

MANILA -- Nanindigan ang grupo ng mga designers na patuloy silang makikipag-ugnayan kay Vice President Leni Robredo sa paggawa at distribusyon ng mga PPEs (personal protective equipment) sa mga nangangailangang ospital.

Ayon sa pahayag ni Cynthia Diaz, tagapagsalita ng grupong Manila Protective Gear Sewing Club, tiwala sila sa pagiging tapat at accountable ng Opisina ng Bise Presidente sa pamamahagi ng mga PPEs.

Sa kabila ng hirit na paimbestigahan, designers patuloy na makikipagugnayan kay VP Leni sa paggawa ng PPEs 1
Tuloy trabaho ang mga volunteers na miyembro ng Manila Protective Gear Sewing Club sa paggawa ng PPES para sa mga ospital.

Gayunman, humahanap din sila ng ibang paraan at distribution channel para mas malawak at diretsong distribution sa mga frontliner.

Narito ang official statement: "We are working with the OVP because their distribution process is transparent and accountable.

"However, we are also currently working on other options and partners so that we can expand our distribution channels and make sure that the PPEs will reach the frontliners. We are monitoring the situation closely so we can adapt as needed."

Nauna nang iginiit ng pinuno ng volunteer designers na si Mich Dulce na walang kulay ang pagtulong sa kapwa Pinoy sa panahong ito.

Naiyak din daw siya sa pagpuna sa pakikipagtulungan nila kay Robredo.

Kabilang din sina Mark Bumgarner, Charina Sarte, Rajo Laurel, Stephanie Lim, Puey Quinones, Patrice Ramos Diaz at iba pang designer na gumagawa ng PPEs sa tulong ng mahigit 400 volunteers na mananahi at iba pang manggagawa sa fashion industry.

Batay sa huling impormasyon ng opisina ni Robredo, namahagi na sila ng PPEs sa 100 ospital at clinic ng LGUs nationwide pero malaki pa rin ang kakulangan dahil mayroon pang pending na 500 requests.

Nilinaw na ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica ang naunang pahayag ng kasamahan niyang si Manuelito Luna. Ani Belgica, opinyon daw ni Luna ito at hindi opisyal na statement ng PACC.