‘Pantawid ng Pag-ibig’: Relief goods, food packs hatid sa ilang barangay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 09:06 PM | Updated as of Apr 02 2020 11:36 PM

Hinatiran ng tulong ang Barangay Pag-Asa, Quezon City kung saan napapaloob ang Sitio San Roque. ABS-CBN News

MAYNILA - Umaga ng Miyerkoles nang mauwi sa tensiyon ang panawagan sa gobyerno ng ilang residente ng Sitio San Roque, Quezon City na mabigyan sila ng pagkain sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine. 

Kabilang sa mga nangamba sa kanilang kalagayan ang mga nangungupahan ng bahay at hindi na nakauwi sa kanilang lugar dahil sa quarantine. 

"Wala pa po kaming natatanggap dito na relief goods simula noong nag-lockdown," ayon sa residenteng si Anna Flores. 

Nawalan din ng trabaho ang marami sa mga residente at hindi nila alam kung paano mairaraos ang pangangailangan araw-araw. 

May iilan na binawasan ang kanilang kinakain araw-araw, gaya ng construction worker na si Edward Evardone. 

"Noodles nalang kinakain ko ngayon, itlog, nangutang pa nga ako diyan oh. Wala pang bigas," kuwento niya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero bahagyang naibsan ang kanilang pag-aalala nang matanggap ang hinihintay na tulong ng lokal na pamahalaan, kasama ang tulong mula sa "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN. 

Bukod sa 4,000 relief packs mula sa lokal na pamahalaan, binigyan din ng bigas at iba pang food items ang mga residente galing sa "Pantawid ng Pag-ibig" campaign. 

Sa Barangay Veterans naman sa Quezon City, ilang linggo na ring sarado ang karinderyang pandagdag-kita sana ni Albert Vasquez. 

Inaalala niya ngayon ang mga tauhan niyang wala ngayong kinikita. 

"Wala pong pinipili dito, mapamaliit ka, mahirap ka, middle class ka o mayaman ka, lahat tayo nangangailangan. Ang suportang mangaggaling sa gobyerno is napakalaking bagay," ani Vasquez. 

Dagdag-pasensya naman ang hiling ng barangay dahil sa mga limitasyong dulot ng enhanced community quarantine. 

Kinukulang kasi ng tauhan ang barangay sa pagre-repack ng mga relief packs, ayon sa kapitana na si Josefina Landingin. 

Kaya naman ang volunteer na si Anne Gallo, nilulubos ang pagkakataong makatulong sa pamimigay ng pagkain sa kanilang barangay. 

"Pag-iisipan mo rin talaga kasi everytime nasa labas kami yung isang paa namin nasa hukay" ani Gallo. 

Nitong mga nakaraang araw, naghatid din ang ABS-CBN ng pagkain mula sa McDonald’s at iba pang partner para sa mga frontliners na nagpapakatatag sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) para sa lahat. 

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Food Inc. 
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.