TFC News

Obra ng Pinay artists tampok sa exposition sa Belgium

TFC News

Posted at Apr 01 2023 07:26 PM

BRUSSELS - Kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Month, itinampok ang exhibit na pinamagatang PINAYS Tinig ng Lakas, kung saan bida ang mga likha ng ilang Filipina artists sa Belgium.

Kabilang sa mga lumahok sa exhibit na ginanap sa Philippine Embassy sa Belgium sina Gabi Nazareno, Amihan de Sosa, Kathleen Dagum, Mylene Factora, Lea Zoraina Lim, Zandra Torrijos, Kevin Marie Becira, Anna Beth Santilla, at Lise Paul Abitona Lackman.

Layon ng Pinay artists na tulungan ang Women Helping Women, isang organisasyon ng mga volunteer na Filipino, Belgian-Filipino Luxembourgish na handang sumaklolo at magbigay ng suporta sa mga biktima ng human trafficking, unfair labour practice, at domestic violence.

Kaya naman tungkol sa women empowerment ang tema ng obra ng mga artists. May obra na naglalarawan sa dalawang guro sa Maguindanao na nagtuturo sa kanilang mag-aaral ng pagpapahalaga sa mga karapatan ng mga kababaihan.

1

May obra ring nagsasabing dapat hayaan ang mga kababaihan kung paano sila mag-isip at gumawa ng sariling konsepto.

2

Ang obra ni Mylene Factora, tumatalakay sa mga simbolo ng pagiging babae. May mga letra rin itong P at U na maaring patungkol sa mga salitang pugay, pula, punla, puno, puso, puri, at marami pang iba.

Aniya, ang lahat ng ito ay kumakatawan sa mga katangian ng isang babae.

“Ito’y isang self portrait. Para sa akin ito’y sumisimbolo sa aking struggles. Pula ang color na nararamdaman ko, pag-ibig, buhay, minsan galit. Mahalaga sa akin na maging parte ng exhibition na ito para makita ng mga babae, artist man o hindi na mayroon tayong venue to express ourselves,” saad ni Factora.

Para naman kay Anna Beth Santilla, ang kanyang obra ay pagkilala sa taglay na lakas ng mga ina.

3

“Mothers are the sources of love and mercy, they are fountains of sympathy. Mothers are women of power. Their voices will have the loudest impact on mankind,” saad ni Santilla.

Nagtapos ang exhibit sa Brussels noong Marso 23. Tumungo ang exhibit sa Philippine Consulate sa Luxembourg noong March 24 at nagtapos nitong March 26.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Belgium, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.