PatrolPH

'Musical Senakulo', tampok ng isang simbahan sa Maynila ngayong Semana Santa

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2023 09:50 PM | Updated as of Apr 02 2023 08:25 PM

Puspusan na ang paghahanda ng Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora del Perpetuo Socorro sa Sampaloc, Maynila para sa kanilang produksyon ng Senakulo.

Kaiba sa tradisyunal na Senakulo, ginawa nila itong musical o paglalahad ng buhay ni Hesukristo sa pamamagitan ng mga awit.

Ayon sa musical director na si Genesis Echon, umpisa ng Marso nang kanilang simulan ang paghahanda para sa inaabangang pagtatanghal.

"Challenging po ang produksyon lalo na at galing tayo sa pandemya, almost 2 years din po na nahinto ang senakulo namin... Nagsimula po kami first week of March, ganoon po kaiksi ang preparasyon namin, sa awa ng Diyos, sa biyaya ng Diyos, napaghandaan naman po namin," aniya. 

Lahat din ng kanta na ginamit sa produksyon ay orihinal na komposisyon.

"Kagaya po ng isa sa mga kanta namin na 'Sa Harap ni Pilato', ito po ay opera chorus. Kagaya po sa Hardin ng Gethsemane at Pagtangis ng mga babae, mayroon siyang Hebrew touch... Mayroon din po tayong swing at rap ang dating," ayon kay Echon.

Ayon naman sa direktor na si Harley Dimaano, tiniyak ng produksyon na epektibong maipapamalas ng mga artista ang tamang emosyon upang mas maintindihan ang kuwento ng Senakulo.

"Iyong Senakulo ngayon, hindi lang siya pagtuturo, naging refresher siya kung ano ang character mo. Binigyan namin bawat isa ng character, hindi siya apostol ka lang, madla ka lang. Itinuro namin kung saan nila huhugutin ang kanilang mga character," aniya.

"This is a community theater, mayroong iba na naka experience na o umarte na (sa teatro) pero mostly first time nila o yung kanilang experience ay Senakulo. Kapag napanood mo sila, para silang professional kasi masasabi kong talagang it's the Holy Spirit na talagang nagturo sa kanila kung ano ang gagawin," dagdag ni Dimaano.

Watch more News on iWantTFC

Ikinatuwa naman ni Jerrick Rotap na magampanan ang papel ni Hesukristo.

"Natupad po talaga lahat ng dinasal ko kay Lord kaya talagang blessed po ng pakiramdam. Sa mga kabataan ngayon, huwag kayo tumigil na mangarap, mag-aral kayo ng mabuti pero huwag ninyo kakalimutan ang panginoon dahil isa iyan sa pinakamahalagang aspeto ng buhay ninyo," aniya.

"Sobrang blessed po kasi may nakita silang something sa akin na kaya ko siyang gawin," ayon naman kay Anatonie Leshebong Sta.Rita na gumanap na Veronica.

Ayon kay Jacqueline Marzan Tolentino, head ng NSPS Biblical Apostolate and Formation ng simbahan, umaasa sila na mas mapapalapit ang mga tao sa mga turo ng simbahan sa pamamagitan ng musical senakulo.

"Sa mga panahong mahirap tayo, may mga problema, nawa'y maalala natin na ang Diyos ay nandiyan lang para sa atin, He is our healer, He is our provider, He is our savior," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.