#KwentongKapamilya: Ang sorpresang date nina Enrique at Rowena

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 07:30 AM | Updated as of Apr 01 2019 05:10 PM

Sa 13 taong pagsasama ng mag-asawang sina Enrique at Rowena Vista, inamin nilang bihira lamang silang mag-date.

"Noon pa man hindi talaga kami lumalabas. Hindi ko pa siya nabigyan ng bulaklak," sabi ni Enrique.

Bukod sa kakulangan sa oras, tuwing Sabado at Linggo lang kasi nagkikita ang dalawa dahil sa trabaho ni Rowena. 

"Stay-in ako sa trabaho kaya weekends lang kami nagkikita ng asawa ko. Kahit ganiyan siya matibay siya. Ginagampanan niya 'yung mga dapat tungkulin ko sa bahay," sabi ng misis. 

Pero ayon sa dalawa, itinuturing na nilang "quality time" ang pakikinig nila ng DZMM nang magkasama.

"Quality time namin na magkasama sa bahay nakabukas lang 'yung DZMM... Parte na ng buhay namin ang DZMM. Kung wala 'yun parang nakabibinging katahimikan," sabi ni Enrique.

'NILAAN NG DIYOS'

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Enrique, minahal niya si Rowena dahil hindi umano ito tulad ng ibang babaeng kaniyang niligawan.

Aniya, dahil sa kapansanan, nakaranas na siya ng diskriminasyon sa mga natitipuhang babae. 

"Hindi naman pala lahat ng babae tumitingin sa panlabas na anyo. PWD (person with disability) kasi ako so pag nalaman [ng iba] nagbabago na ang isip nila... Nilaan siguro sa akin ng Diyos na mapunta siya sa akin," pagbabalik-tanaw ni Enrique. 

"Sabi ko wala namang diperensiya 'yon. Una pa lang namin mag-usap sinabi na niya 'yung kapansanan niya," ayon naman kay Rowena.

SORPRESANG DATE

Nitong Pebrero 14, 2019, hinandogan ng sorpresang date ni Enrique si Rowena sa tulong ng ABS-CBN.

Hawak ang isang boquet ng bulaklak, iniabot ito ng mister sa kaniyang misis, na naging emosyonal sa sorpresa. 

"Bakit di mo sinabi sa akin," naluluhang tanong ni Rowena.

"Siyempre surprise nga eh." sagot naman ng mister. 

Isang liham ng pasasalamat ang binasa ni Enrique para sa misis na aniya'y tinanggap siya sa kabila ng mga pagkukulang.

"Sa 13 taon nating pagsasama, lalo kong napatunayan ang kabaitan mo. Mahal na mahal kita. Salamat sa pagmamahal at pagtanggap mo sa akin."

Sinagot naman ito ni Rowena at sinabing handa siyang itaguyod ang kanilang pamilya basta't hawak-kamay sila ano man ang mangyari. 

"Salamat sa love. Huwag mong isiping wala kang naitulong sa akin. Ganiyan talaga ang mag-asawa nagtutulungan at nagbibigayan. Pangarap kong makatapos sa pag-aaral 'yung anak natin. At matutupad lahat ito basta magkasama lang tayo," sambit ni Rowena.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.