'Pantawid ng Pag-ibig': Mga delata, bigas handog sa mga taga-Taguig, Pasay

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 06:26 PM | Updated as of Mar 31 2020 08:53 PM

Kasama ang mga taga-Taguig at Pasay sa mga hinatiran ng tulong ng "Pantawid ng Pag-Ibig" campaign ng ABS-CBN. ABS-CBN News

MAYNILA - Magdadalawang linggo na magmula noong ipatupad ang enhanced community quarantine para matigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Pero ngayon pa lang natanggap ng mga nangungupahan sa isang bahay sa Barangay 30 sa Pasay City ang food packs mula sa lokal na pamahalaan. 

Siyam na pamilya ang nakatira sa bahay at nawalan sila lahat ng pagkakakitaan dahil tigil-operasyon ang kanilang mga pinapasukan. 

“Siyempre tiis lang siyempre masakit anak ko makikita mo nagugutom halos lahat ng katabi ko may mga anak eh siyempre naaawa kami,” ayon kay Patrick Consorte, isa sa nangungupahan sa nasabing bahay. 

Sa gitna ng krisis naman lumalabas ang pagmamalasakit sa kapwa. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang may-ari ng bahay na si Louie Jimenez, hindi na siningil ang renta bilang pakikiramay sa kaniyang mga tenant. 

“Pwedeng maging greedy tayo, parang ikaw meron ka kasi nagbayad sila tapos sila wala eh may mga anak din iyan. So iyong compassion na lang tsaka may humanity pa naman so why not na mag-extend ka ng tulong kung kaya mo,” ani Jimenez. 

Naibsan ang kanilang pag-aalala nang maabutan ang bawat pamilya sa bahay ni Jimenez at iba pang kabarangay ng food packs habang isinasaayos ng lokal na pamahalaan ang kanilang listahan.

Aminado ang lokal na pamahalaan na tinitipid nila ang budget at pinag-iisipang mabuti kung paano gagamitin ang kanilang budget para sa mga hakbang kontra pagkalat ng COVID-19. 

"Siyempre kahit may budget po kami ay hindi pa rin po sasapat dahil tinitipid din at talagang pinag-iisipan kung ano ang mga kailangan para labanan itong COVID-19 na ito," ayon kay Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano

Naidagdag din sa mga ipinamigay na tulong ang mga relief packs na mula sa Pantawid ng Pag-Ibig Campaign ng ABS-CBN. 

Gabi naman piniling mamigay ng food packs ng lokal na pamahalaan ng Taguig para maiwasan ang pagdumog ng mga tao. 

Kaakibat ng "Pantawid ng Pag-Ibig Campaign," dinalhan ng libong kahon ng delata, tubig, alcohol, packed foods at sako-sako ng bigas ang mga residente. 

Bukod sa sa food packs, namahagi rin ng hygiene kits, face masks, at bitamina ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa mga senior citizen. 

Nagpasalamat si Rubiano sa naiabot na tulong. 

"Napakaganda ng proyektong ito ng ABS-CBN... Talagang makakatulong po ito, mae-extend namin kung ano ang meron kami,” ani Rubiano. 

Tiniyak naman ni Taguig Mayor Lino Cayetano na nagsisimula na silang mamahagi ng mga relief goods sa kanilang mga kinasasakupan. 

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

• Century Pacific Food Inc. 
• Rebisco
• Suy Sing Corporation
• Lucio Tan Group Inc.
• McDonald's
• Quick Chow Noodles
• Mega Sardines
• Great Taste 3-in-1
• Sunsilk Shampoo
• Safeguard
• Hana Shampoo
• Champion Detergent
• Unilab
• Ritemed
• Generika Drugstore
• Air21
• Entrego

Sakaling interesadong magpaabot ng tulong pinansiyal, maaari itong iabot sa mga sumusunod na bank number: 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.