Kahit nananatili lang sa kanilang bahay dahil sa enhanced community quarantine, hindi napigilan ang isang 70-anyos na lola sa Cainta, Rizal, sa pagmamalasakit sa kanyang pamayanan.
Sa mga litrato ipinost sa Facebook ni Marites Edroso nitong Lunes, kitang nag-aabot ang kanyang lolang si Evelina Torres sa kapitbahay ng isang supot na may mga biskwit at sachet ng kape.
Galing ang mga pagkain sa sari-sari store ni Torres o mas kilala bilang Nanay Belina sa V. Pasco St. sa Barangay San Isidro.
Kwento ng apo niyang si Marites Edroso, magdadalawang linggo na kasing walang natatanggap na relief goods sa kanilang lugar mula nang magka-lockdown.
Ayon sa apo, naawa si Nanay Belina sa lagay ng ilan nilang kapitbahay at suki sa tindahan lalo sa mga anak nito. Marami sa mga kanila ay mga construction worker o namamasada na naudlot ang trabaho.
Limang araw na ring nakasara ang kanilang tindahan para maingatan ang kalusugan ni Nanay Belina.
"Sabi ni Nanay, 'Marami naman tayong stock, eh 'di itulong na lang'," ani Marites.
Ipinalaga pa ni Nanay Belina ang mga natirang itlog na paninda para makain agad.
Sabi ni Marites, kinahapunan din may dumating sa lugar na bigas at mga de lata mula sa lokal na pamahalaan ng Cainta.
Ipinaalam niya sa lola na ibahagi ang kuwento sa social media.
"Sana maka-inspire ito sa iba na kung makaluluwag ka naman, tulungan mo na rin ang iba," ani Marites.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog News, groceries, relied goods, Cainta, Rizal, sari-sari store, enhanced community quarantine