Kontesero na may muscular dystrophy nagpakitanggilas sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2019 03:36 PM | Updated as of Mar 31 2019 04:08 PM

Dahil sa kaniyang husay sa pag-awit, nakilala bilang kontesero sa Tondo, Maynila ang 22 anyos na si Gerald Hernandez.

Pero bago nito, inamin ni Hernandez na dati ay ayaw niyang ipakita ang sarili sa iba dahil sa kaniyang muscular dystrophy.

Ang muscular dystrophy ay isang kondisyon kung saan unti-unting nanghihina ang katawan at nauubos ang muscle mass.

"Noong bata po kasi ako, hindi po ako gaanong lumalabas ng bahay po dahil po nahihiya po ako dahil sa kondisyon ko," ani Hernandez.

Watch more in iWant or TFC.tv

Natuklasan ang talento ni Hernandez nang pumasok na siya sa eskuwelahan.

"Noong time po na nakapag-aral po ako at narinig ng mga guro 'yong aking boses, ginawa po nila akong tagakanta nila sa school kada may program," aniya.

Nakatutulong din si Hernandez sa mga magulang tuwing sumasali sa mga singing contest dahil sa napapanalunang pera.

Mas nakilala si Hernandez nang mag-viral sa social media ang isang video tampok ang kaniyang pagkanta ng "Kahit Isang Saglit" ni Martin Nievera.

Nagtanghal sa "ASAP" si Hernandez kasama sina Nievera, Erik Santos, Jed Madela, Jason Dy at Zsa Zsa Padilla.

Inawit ni Hernandez ang "Kahit Isang Saglit" kasama si Nievera at Santos, "Ikaw Lamang" kasama sina Madela at Dy, at "Ikaw Lang Ang Mamahalin" kasama si Padilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.