Paano iiwasan, gagamutin ang sunburn?

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 09:17 AM

Paano maiiwasan o masosolusyonan ang sunburn o ang reaksiyon ng balat kapag sobrang nabilad sa sikat ng araw?

Ito ang tinalakay sa programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM.

"Ang sunburn ay mas matindi kaysa suntan. Ngunit para sa mga conservative na dermatologist o skin experts, ang suntan ay itinuturing ding sunburn," paliwanag ni Quirino.

Bukod sa mahapdi at puwedeng magbalat kapag na-sunburn, maaari ring magdulot ng mas matindi pang karamdaman ang sobrang pagbibilad sa araw.

"Dapat ingatan ang ating kutis at ang sobra-sobrang pagbibilad sa araw ay maaaring magresulta sa skin cancer," aniya.

Payo ni Quirino para makaiwas sa sunburn, magpahid ng sunblock na may SPF (sun protection factor) 35 pataas kung magbibilad sa araw.

Kapag naman pupunta sa beach, dapat magpahid ng sunblock sa buong katawan kada dalawang oras, lalo na kung lalangoy rin habang tirik ang araw.

"Tandaan po natin na ang hangin at reflection ng sinag ng araw sa buhangin ay maaari ring makasunog ng ating balat," paalala ni Quirino.

Sakali namang ma-sunburn, may ilang natural na paraan upang maibsan ang pananakit ng balat.

"Maglagay ng sabila, aloe vera, or fresh pipino sa sunburn mo kung sobrang mahapdi na," ani Quirino.

Puwede ring kumain o uminom ng katas ng citrus fruits o mga prutas gaya ng orange, bayabas, at papaya dahil sa taglay nitong Vitamin C na mainam para sa paghihilom ng balat na na-sunburn.

"Ang Vitamin C ay ang skin vitamin," sabi ni Quirino.

Gayunman, ipinaalala rin ni Quirino na maganda rin ang dulot sa katawan kung saglit na magpapaaraw dahil may dala rin itong bitamina.

"Ang init ng araw ay maaaring maging mabuti sa unang 20 minuto sa umaga, at maaaring magbigay ng Vitamin D," aniya. "Mayroong bagong study... kung gusto nating magkaroon ng pinaka-efficient na absorption ng Vitamin D sa katawan ay ang tanghaling tapat [na pagpapaaraw]."

Paalala muli ni Quirino, dapat lang na alagaan ang mukha at leeg kapag nagpapaaraw dahil ito'y sensitibo sa init.

Pinakamainam din aniya kung ang likod ang itatapat sa sinag ng araw para lalong ma-absorb ng katawan ang tinaguriang "sunshine vitamin."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.