'Pantawid ng Pag-ibig': Frontliners sa Parañaque, Pasay hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 08:25 PM | Updated as of Mar 30 2020 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Sa pangangalakal umaasa ang pamilya ng 45 anyos na si Baby Roncales, residente ng Barangay Catamon, Malabon City. 

Kaya ngayong may pinapairal na enhanced community quarantine sa Malabon City, malaking pagsubok sa kanila ang limitadong oras ng paghahanapbuhay araw-araw. 

"Bina-budget ko na lang ang mahalaga, huwag lang sila malipasan, minsan 'di na ako kumakain, sila na lang," ani Roncales.

"Gipit talaga… Asawa ko, hindi pinagtrabaho, walang sahod, tatlong linggo. Pinuputulan na nga kami ng ilaw dahil walang pambayad eh," dagdag niya. 

Ang kapitbahay naman niyang si Gemma Baldos, tumigil muna sa pagtatrabaho bilang street sweeper at hindi rin makakapangalakal ang anak. 

Kaya naman inaalala niya kung saan kukuha ng pagkain at panggatas ng mga apo niya araw-araw. 

"Wala akong magawa. Hindi po kasi kami makapaghanapbuhay nang maayos dahil bawal po lumabas-labas. Ang ginagawa ko pag walang-wala na talaga, inom na lang ng tubig," ani Baldos. 

Kabilang sina Baldos at Roncales sa mga pamilyang nasasakupan ng Barangay Catmon. 

Sa dami ng tao sa nasabing barangay, malaking hamon umano sa mga pamunuan nito ang pagrarasyon ng pagkain, ayon sa chairman na si Brian Manapat. 

"As much as possible, poorest of the poor ang mga inuuna namin, iyon talagang walang-wala," ani Manapat. 

"Some of these barangay captains kinakausap namin halos sumusuko na dahil sa nangyayari ngayon. Very challenging talaga, pero kinakaya namin," dagdag niya. 

Kasama ang siyudad ng Malabon sa mga natulungan ng kampanyang "Pantawid ng Pag-ibig" ng ABS-CBN na humihikayat sa malalaking kompanyang umagapay sa mga pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine. 

Isa sa kompanyang nagpaabot ng tulong ang Century Pacific Food Inc. 

Ilan sa mga tanyag na brand sa ilalim ng kompanya ang Century Tuna, Argentina, Swift, at 555. 

Nagpamahagi sila ng kahon-kahong mga delata sa mga lokal na pamahalaan, kabilang na ang Malabon. 

Malaki ang pasasalamat ng mga nakakuha ng tulong na inabot sa kanilang kalinga. 

"Hindi ko po kayo mga kilala pero nagpapasalamat po ako sa inyo na malaking bagay po ang naitutulong po ninyo sa amin na mahihirap," ani Baldos. 

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Sakaling interesadong magpaabot ng tulong pinansiyal, maaari itong iabot sa mga sumusunod na bank number: 

 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.