Para sa mga ina: Tips sa matagumpay na pagpapasuso sa sanggol

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 01:55 AM

MANILA - Hindi madali ang maging isang ina. Matapos na magsilang, panibagong hamon at paglalakbay ang magpasuso.

"Ang pagpapasuso is God's gift to us," pahayag ni Bing Guevarra, co-founder ng grupong Breastfeeding Pinays.
 
Sa 2013 National Nutrition Survey (NNS), tinatayang lima sa bawat 10 (52.3 percent) sanggol na may edad 0-5 buwan ang eksklusibong napasuso ng kanilang mga ina.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagpapasuso ay ang pinakaepektibong paraan para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng sanggol.

Sabi ng WHO, “Globally, less than 40% of infants under six months of age are exclusively breastfed. Adequate breastfeeding counselling and support are essential for mothers and families to initiate and maintain optimal breastfeeding practices.”

Patuloy namang isinusulong ng Department of Health ang ekslusibong pagpapasuso pagkapanganak hangggang anim na buwan.

Sa panayam kay Guevara at isa pang breastfeeding advocate na si Zonito Tamase sa DZMM noong Miyerkules, ibinahagi nila ang sa tingin nila ay dapat na malaman ng isang nagpapasusong ina:

1. Ang breastmilk ay ligtas, matipid at masustansiya:

Ang breastmilk ay ang ideal na pagkain ng sanggol, ayon sa WHO.

Ang gatas ng ina ay may kargang nutrients na kinakailangan para sa malusog na paglaki ng mga bata. Ito rin ay ligtas at mayroong anti-bodies na magbibigay proteksiyon sa sanggol laban sa mga pangunahing sakit pambata.

Pangmatagalan benipisyo naman ng pagpapasuso ay hindi nagiging obese o overweight ang bata. 

“Very lean ang baby kasi yung nakukuha niya sa mommy niya ay natural, walang sugar, hindi artificial,” sabi ni Guevarra.

2. Health benefits para sa ina:

Ayon kay Guevarra, bukod sa malaki ang matitipid ng isang inang nagpapasuso, may dala din itong health benefits para sa kanya.

"Maraming sakit ang pwedeng maiwasan kung magpasuso si Mommy kay baby," sabi niya. Isa na dito ay ang pagbaba ng risk ng ina na magkaroon ng breast at ovarian cancer.

Mabilis din makapagpapayat ang patuloy na pagpapasuso sa anak.

3. Pagkain ng balanced diet:

Mas makakatulong sa matagumpay na breastfeeding journey ng mag-ina ang malusog na pangangatawan ng nanay. 

Sinabi ni Tamase, mahalaga ang pagsama sa pagkain ng masustansiyang mga gulay tulad ng malunggay.

"Kung gusto mong magpagatas, kain ka ng kain ng malunggay," sabi niya. May mga masustansiyang bitamina ang Malunggay na natural na nagpapalakas sa supply ng gatas ng ina. 

“Natural naman po na makapag breastfeed tayo pero may opportunity po na ang mga nanay na hindi lumalabas (ang gatas). For me, nakakatulong ang malunggay lalo na sa time na kulang ang nutrition mo kasi dalawa na kayong kumakain. Pino-produce mo na yung kinakain mo tapos dinedede pa nung anak mo yung nutrition na nilalagay mo sa katawan mo,” sabi ni Tamase.

Pag-iwas sa processed food at pag-inom ng tubig ang idinagdag naman ni Guevarra.

"Hindi lang naman para sa mga mommy, para sa lahat. Bawasan natin ang processed food at let's go back to basics," sabi niya.

4. Support group

Hindi madali ang pagpapasuso lalo na sa umpisa at sa mga bagong ina. Maraming hamon ang dinaraanan ng isang ina bago tuluyang makapagpasuso ng tama. Ilan sa mga hamon na ito ay ang kung paano simulan, tamang posisyon, pagpapalakas ng suplay ng gatas, at iba pa. 

Ang mga hamon na ito ang isang dahilan sa pagbubukas ng grupong Breastfeeding Pinays sa Facebook.

"Nasa Facebook lang kami, hanapin at mag join group. Nagse-screen kami ng members kasi it's a safe haven for all our members so we have to make sure na yung magjojoin sa group namin ay may legitimate na may interest sa pagpapasuso," sabi ni Guevara. 

Sa ngayon, mayroong 150,000 na miyembro ang Breastfeeding Pinays sa buong mundo. Dito, malayang nakapaglalabas ng saloobin, suhestiyon at mga tanong ang mga miyembro sa kapwa kasapi ng grupo.

Dito din makakakuha ng tips mula sa mga personal na kwento ng mga mommy tungkol sa proper latching, milk supply production at iba pa.

"Ang mga nanay na bagong panganak, kailangan talaga sinusuportahan sila. Lahat ng taong nakapaligid dapat ready to listen, wag mong maliitin kung anong sinasabi nila sa iyo kasi may pinaghuhugutan talaga sila," payo ni Guevarra.

Dagdag pa niya, malaki rin ang papel na gagampanan ng asawa upang mapadali at maging komportable at matiwasay ang breastfeeding journey ng kanyang misis.

"Si Daddy, show your affection to her. I-massage yung balikat, paa. Pagsilbihan ang mga mommy kasi they are doing a great job...pagbubuntis pa lang tapos panganganak tapos ngayon nagbe-breastfeed," sabi pa niya.

5. Latch

Para kay Guevara, ang pinaka-epektibong paraan pa rin upang masolusyunan ang kakulangan sa supply ng gatas ay ang madalas na pagpapasuso sa anak. 

“Yung mga tanong na bakit wala akong gatas or konti ang aking gatas, ang sagot lang diyan ay magpasuso ka. Law of supply and demand. Pag nawalan ng laman ang breast mo, gagawa ulit ang katawan mo to replenish,” paliwanag ni Guevarra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.