MAYNILA -- Higit 50 taon nang isinasagawa ang Senakulo ng St. John Bosco Parish - Tondo.
Mula sa teatro, ngayon ay isinapelikula na ang paglalahad sa buhay ni Hesu Kristo.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, ang pelikulang "Senakulo 2023," ang modernong pagsasadula ng buhay ni Kristo tampok ang mga kabataan ng parokya ng San Juan Bosco, ay mapapanood online.
Si Redentor Bernardino ang direktor ng pelikula, habang si Rev. Fr. Gaudencio T. Carandang Jr. SDB ang tumatayong executive producer.
Si Niño Francisco naman ang gumanap bilang Kristo.
Mas pinaganda pa ang pelikulang "Senakulo 2023" dahil sa visual effects gamit ang green screen.
Sa programang "Sakto" ng TeleRadyo nitong Miyerkoles, nagbahagi naman sina Bernardino, Francisco at Fr. Carandang tungkol sa "Senakulo 2023" na ginawa sa loob ng higit limang buwan.
"Nakaka-excite pero kinakabahan ako sa pagganap bilang Hesus," ani Francisco na unang beses na gumanap bilang Hesus.
Ayon kay Bernardino, isang malaking hamon din ang paggamit ng green screen para sa mga gumaganap.
"Sobrang challenge po 'yon dahil kailangan nilang i-imagine 'yung location pati ang context ng kanilang kinikilusan sa lugar.
Ibinahagi namn ni Fr. Carandang ang halaga ng Senakulo.
"Ang Senakulo kasi ay tradisyon na ng simbahan. Patuloy nating ginagawa ito, kami in particular, dahil ito ay isang magandang pagkakataon upang ipaalala, ipakita ang magandang sakripisyo na ginawa ni Hesus. Magandang pagkakataon para magnilay lalo na sa Mahal na Araw," ani Fr. Carandang.
Mapapanood ang "Senakulo 2023" sa Facebook page ng St. John Bosco Parish - Tondo at Senakulo 2023.
Mapapanood din ang pelikula sa Teleradyo at ANC sa Biyernes Santo, Abril 7, sa ika-2 ng hapon.
Related video:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.