Babae, nag-live selling ng mga gamit ng mister niyang nangaliwa umano

Raffy Cabristante, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2022 07:02 PM

Jamille Margarita Galvez fb
Jamille Margarita Galvez Facebook/screengrab

“Super mura lang, kasi hindi naman marunong magmahal ‘yung may-ari.”

Viral ngayon sa social media ang video ng isang babae sa San Ildefonso, Bulacan na nag-live selling ng mga gamit ng mister niyang nangaliwa umano.

Sa video, makikita si Jamille Margarita Galvez na binebenta sa pamamagitan ng Facebook live ang mga damit, sumbrero, at sapatos ng kanyang asawa na “sumakabilang bahay” na raw.

Sinasamahan pa niya ng hugot ang bawat item na kanyang binebenta.

“Sobrang tino ng mga items na ito; ang may-ari lang ang hindi matino,” banat ni Galvez.

“Sa mga iniwan din ng asawa nila, ito na ‘yung sign niyo para hanapin ‘yung gamit ng asawa niyo diyan. Ibenta niyo na rin. Huwag kayong magtabi ng basura sa bahay,” dagdag pa niya.

Una niyang ginawa ang naturang live-selling nitong nakaraang Huwebes.

 

Umaabot na ng hanggang mahigit 9,000 reactions, 3,500 shares, at 28,000 views ang kanyang unang video.

Dahil naging viral online ang kanyang nasabing video, sinundan pa niya ito ng Part 2 nitong Lunes. 

 

Bukod sa pagbebenta, namimigay pa si Galvez ng pera gamit ang mobile wallet app na GCash sa 100 na masuwerteng netizens.

Sa isang hiwalay na Facebook post nitong Martes, ibinahagi ni Galvez na paulit-ulit pa rin niyang tinatanong kung bakit iniwan umano siya ng kanyang mister.

Isa ngayong single mom si Galvez na may 3 anak. 

“Ayoko na din po magtanong nang paulit-ulit na BAKIT. Baka masiraan lang ako ng ulo kakaisip. Kay Lord na lang natin i-surrender ang lahat. Hindi tayo papabayaan ni God,” aniya.